Suicide Note

by Sankage Steno

Dear You,

Sinabi ko na nga ba’t dito rin tayo hahantong. Nakita ko na ito noon pa, pero nagbulag-bulagan ako sa pag-aakalang mas mananaig ang ating pinagsamahan, lalo na yung mga masasayang karanasan natin.

Nagkamali ako.

Simula nang dumating sya sa buhay mo, kinutuban na ‘ko. Binalewala ko yung mga kutob ko dahil malaki ang tiwala ko sa ‘yo. Tutal, sabi ko sa sarili ko, sa bandang huli e sa akin ka pa rin naman pumupunta para magsabi ng mga saloobin mo.

Araw-araw, gabi-gabi, hinihinga mo sa ‘kin lahat ng nararamdaman mo — masaya, malungkot, nakakagalit, nakakakilig, nakakainis, nakakatuwa. Lahat sinasabi mo. Minsan nga kahit di mo dapat sabihin, sinasabi mo pa rin. Ganun tayo ka-close noon. Ano nang nangyari sa mga ‘yon?

Ang sakit-sakit na makita kang nakikipagkita sa kanya araw-araw kahit alam mo namang andito pa rin ako. Parang tinatadtad ang puso ko sa tuwing maiisip ko na dalawa kaming pinagsasabay mo. Hindi ka pa ba masaya sa ‘kin? Kulang pa ba lahat ng ibinibigay ko sa iyo? Ano bang meron sya na wala ako at di mo sya maiwan-iwan? Sandali mo pa lang syang nakikilala pero parang mas close pa kayo ngayon kesa sa ‘tin.

Ang sakit-sakit na.

Hindi ko alam kung bakit sa tuwing babalik ka sa ‘kin e tinatanggap pa rin kita. Alam ko namang dalawa kaming ginagamit mo. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing magsasabi ka ng mga saloobin mo sa ‘kin e pinaniniwalaan ko pa rin kahit alam ko namang niloloko mo lang ako. Hindi ko alam kung bakit sabik na sabik pa rin akong makita ka, gayong alam ko namang hindi na rin tayo magtatagal. Panahon na lang ang makapagsasabi kung kailan mo ako tuluyang iiwan.

At nangyari na nga ang inaasahan kong mangyari.

Dumalang ang pagkikita natin. Umikli na rin ang mga sandaling nagbabahagi ka sa akin ng iyong saloobin. Mas madalas na nagtititigan na lang tayo, tapos aalis ka rin agad. Alam mo ba kung ga’no kasakit ang makita kang unti-unting lumalayo sa ‘kin? Slow death. Para mo ‘kong sinasaksak sa katawan pero hindi sa mga vital parts. Pinapatagal mo lang ang pagdurusa ko. At hindi ko maintindihan kung bakit mo ‘yon ginagawa sa ‘kin. Natutuwa ka bang makita akong unti-unting namamatay? Sinasadya mo bang saktan ako nang paulit-ulit at dahan-dahan? Ano bang nagawa ko sa ‘yo at ginaganito mo ako?

Ang dami kong tanong, pero alam ko namang hindi mo na ‘to masasagot pa. Alam kong masayang-masaya ka na ngayon sa piling nya. At kahit pa masakit sa kalooban, alam kong ang tamang gawin ay palayain ka dahil alam kong sa kanya ka liligaya. Hindi madali ito para sa ‘kin. Hindi ko alam kung pa’no ko ‘to nagagawa. Siguro dahil isa talaga akong malaking tanga. Siguro dahil hindi ko mabitawan ang mga pinagsamahan natin. Siguro dahil umaasa pa rin ako.

Pero di ko na ‘to kaya. Ayoko nang mag-isip pa kung bakit. Ayoko nang masaktan nang paulit-ulit. Ayoko nang makita kang masaya sa piling nya, samantalang andito ako’t nagdurusa — kung kani-kanino lumalapit para humugot ng lakas, para kumuha ng konting kasiyahan sa buhay… na hindi ko naman makuha.

Tama na ang panloloko ko sa sarili.

Gusto kong malaman mo na hanggang sa huli ay ikaw pa rin ang laman ng puso’t isip ko. Sana ay maging ganap ang iyong kaligayahan sa piling nya. Sana ay hindi mo rin gawin sa kanya ang ginawa mo sa ‘kin kapag may bago na namang dumating sa buhay mo. Hinding-hindi kita malilimutan. Ginawa mong espesyal ang buhay ko kahit panandalian lamang.

Paalam.

Nagmamahal,

MULTIPLY