Chit Estella

by Sankage Steno

Sa halos dalawang taon kong pagtuturo sa kolehiyo, mayroon lamang tatlong dahilan kung bakit ako pinalakpakan ng mga esdyante sa klase. Ang isa ay kapag sinasabi kong walang bagsak sa kanila; pangalawa, nang kumanta ako sa klase; at ikatlo, nang ikwento ko sa kanila si Ma’am Chit.

Tumagal lang naman ng limang minuto yung kwento ko, pero pakiramdam ko e yun na ang pinakamahabang speech na binitawan ko sa buong buhay ko.

Tinanong ko muna yung mga estudyante ko kung nabalitaan nila yung UP professor na namatay sa may Commonwealth Avenue noong May 13, 2011. Tumango at umoo naman ang karamihan. Saka ko sinabi na dati akong estudyante ng professor na iyon.

Nagpatuloy ako sa pagsasabing maraming journalist o peryodista ang hindi sumisikat nang gaya nina Korina Sanchez, Mike Enriquez, Mel Tiangco, Noli de Castro, atbp. Ngunit marami sa mga journalist na ito ay, kung tutuusin, mas malaki ang naiambag hindi lang sa pagtataas ng propesyonalismo sa industriyang ito, kundi pati na rin sa pagpapatibay ng ating kalayaan at demokrasya.

Isa nga rito si Ma’am Chit na nahasa ang husay at paninindigan noong panahon ng Martial Law. Isa siya sa mga nanatiling aktibo at kritikal laban sa rehimeng Marcos sa kabila ng pagsasailalim ng media sa kapangyarihan ng pamahalaan. Katulong ang iba pang matatapang na journalists, sumama si Ma’am Chit sa underground press upang ipagpatuloy ang laban sa diktadurya.

Marami sa atin, at kasama na ako, ang hindi na naabutan ang Martial Law. Nahihiya nga akong sabihin, kahit di ko naman kasalanan, na hindi ko rin naabutan ang EDSA People Power 1. Gayon na lamang ang panghihinayang kong hindi makasama sa isang napakalaki at napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng bansa, at maging ng mundo.

Kaya ginagawa ko ang lahat ngayon sa aking trabaho at libreng oras upang maging tapat sa paglilingkod sa bayan. At malaki ang naging impluwensya ni Ma’am Chit upang tapusin ko ang kursong Journalism, manatili sa Pilipinas upang dito maglingkod, at ialay sa bayan at kapwa Pilipino ang aking talino at kakayahan.

Gayon na lamang ang gulat ko nang mabalitaan ko noong isang taon ang pagpanaw ng aking dating professor. Sa dalawang kursong naging estudyante ako ni Ma’am Chit, pinakatumatak sa akin ang kanyang mga kwento ng karanasan noong siya ay bata-bata pang journalist, hanggang sa noong matapos ang Martial Law at maibalik ang demokrasya sa bansa.

Nagamit ko ang mga kwento nya para maging gabay sa tuwing ako ay nag-uulat sa dyaryo. Nagamit ko rin ang kanyang teaching style sa sarili kong pagtuturo sa kolehiyo. Alam ko kasing mas madaling matututunan ng mga bata ang isang aralin kung idadaan sa kwento o mas praktikal na pamamaraan.

Sa totoo lang, kapag tinatanong ako kung bakit ako nagturo, ang sinasabi ko lagi ay dahil iniidolo ko ang mga prof ko nung college, na hindi lang magagaling na journalist kundi magaling din na teacher. Kung pa’no nila napagsasabay ang dalawang propesyon kahit pa maliit lang ang sweldo at nakaka-stress ay talagang hinahangaan ko.

At kahit hindi na ako nagtuturo ngayon, dahil pinili kong mag-full time na muna sa media upang makakuha pa ng mas maraming karanasan, andun pa rin ang mga estilo at aral na natutunan ko mula kay Ma’am Chit, na syang patuloy kong isinasabuhay.

Tinapos ko ang kwento sa mga estudyante ko sa pamamagitan ng isang hamon na ipinasa rin sa amin ni Ma’am Chit. Sabi ko sa kanila: “From my former professor to us, and now from me, your prof, to you, my dear students, I leave this message…

“No matter where life may take you, whether you work abroad or prefer to stay here, whatever you do, please use your skills and talents to turn this country upside down.”

At narinig ko ang pinakamalakas na palakpakang natanggap ko (at ni Ma’am Chit) sa aking buhay.

Advertisements