Pabili Nga Po

by Sankage Steno

Sa maniwala kayo o hinde e isa sa mga pinakamalaki kong pangarap nung bata pa ako ay ang maging isang tindero. Meron kasing sari-sari store ang lola ko sa may Fort Bonifacio, at sa tuwing dadalhin kami doon ng Papa ko e libangan ko ang magtinda. Ang masaklap lang, ako rin madalas ang umuubos ng paninda namin noon.

Isa pang dahilan kung bakit ko pinangarap maging tindero ay dahil sa mga iniidolo kong tindero sa amin noon sa Baliwag. Nangunguna rito si Pards (Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.). Siya ang dakilang tindero ng fishball sa amin na siyaring may pinakamasarap na sawsawan na natikman ko sa buong bansa. Hindi ako nagbibiro. Sa sobrang sarap ng sawsawan nya, iniinom ko pa minsan. Pramis!

Nakakalungkot nga lang na namatay na sya ilang taon na ang nakakalipas. Kasabay ng pagpanaw nya ay ang pagkawala ng secret recipe ng kanyang sawsawan. Ang natatandaan ko lang nung minsang tanungin ko sya, ang ginagamit daw nya ay tubig, harina, asukal at konting katas ng sampalok. Di ko na nakumpleto yung mga rekado dahil nga wala na sya at ayoko rin namang mabuking ang kanyang “trade secret.”

Pangalawa sa iniidolo kong tindero ay si Mang Raul. Nabanggit ko na sya sa dati kong blog. Ang kagalingan ng taong ito, siya ang pinaka-entrepreneurial na nilalang na nakilala ko sa buong kabataan ko. Ganito yan: Sa umaga, nagtitinda siya ng taho. Kapag narinig ko na ang kanyang baritone na boses na medyo kumukulot sa letter ‘o’ kapag sumigaw siya ng “TAHOOOOOO!”, tatakbo na ako palabas dala-dala ang limang pisong barya para bumili.

Pagdating naman sa hapon, ang itinitinda naman ni Mang Raul ay binatog. Sa mga di nakakaalam kung ano ang binatog, ito ang analogy. Kung ang kanin o bigas ay pwedeng gawing lugaw, ang mais naman ay pwedeng gawing binatog. Basta ganun ang concept, bahala ka nang mag-imagine. So kapag narinig ko na ang “ting!” “ting!” “ting!” ng kanyang bell, tatakbo na ulit ako palabas ng bahay para bumili.

At sa gabi, si Mang Raul ay nagta-transform naman bilang tindero ng balot at penoy. Siya na talaga ang dakilang entrepreneur! Siya na! Sa kasamaang palad, sa pagkakaalam ko, ay pumanaw na rin si Mang Raul. Hay, buhay.

Pangatlo, at ito sinisigurado kong buhay pa dahil naririnig ko pa ang kanyang motor at bell habang sinusulat ito, ay si Mang Masyong. Siya ang dakilang tindero ng dirty ice cream sa amin mula nung ako ay bata pa hanggang ngayong ako’y matanda na (pero mukhang bata pa rin).

Ang maganda kay Mang Masyong, hindi sya yung tindero ng dirty ice cream na nagtutulak ng iconic na two-wheeled “chariot” na sikat sa Pinas. Hindi rin sya nakabisikleta sa pagtitinda. Ang gamit nya ay motor na may nakakabit na sidecar. Mas madali nga naman yun kasi di ka na pipidal o magtutulak pa. Tipid sa effort pero gastos sa gasolina. Hindi naman siguro sya lugi dahil, sabi ko nga, hanggang ngayon ay nagtitinda pa rin sya.

So anong point ko sa pag-eenumerate ng mga iniidolo kong tindero? E kasi kagabi, andun ako sa Venetian Market sa McKinley Hill. Tumao kasi ako at tumulong sa mga friend ko na may stall doon. Naranasan ko ulit magtinda sa pamamagitan ng Regine’s Cupcakes na pag-aari ni, well, Regine, na kasosyo naman ni Amba.

Mula 6pm to 12mn yung night market na nasabi ko. At pagkakaalam ko ay hanggang mamaya na lang sya. Hindi ako sigurado kung magkakaroon pa sya next week at gagawing lingguhan na. Siguro kapag naging matagumpay ito ay magiging palagian na rin gaya ng Bancheto, Mercato, atbp.

Pumunta na lang kayo dun mamaya para malaman nyo yung sinasabi ko. Basta ako, masaya na akong nakaranas ulit maging tindero kahit sa sandaling panahon. Who knows, baka ituloy ko na ang naudlot kong entrepreneurial endeavor sa hinaharap. Kaya Pards, Mang Raul, (pati na rin ikaw Mang Masyong), intercede for me.

Amen.