Naghihintay ng Lunch

by Sankage Steno

Oo, ginagawa ko ‘to habang naghihintay ng pananghalian. Masisisi nyo ba ako? Sige, fine, sisihin nyo ‘ko. E kasi naman hindi ko type yung almusal kanina, although pinilit ko naman kumain. Meron kasing tikoy saka yung munggo na binalutan ng harina at iprinito. E bawal nga sa ‘kin yung mamantika kaya di ko rin kinain nang husto. Tikim lang.

Kaya heto ako’t nililibang kuno ang sarili habang kumakalam ang sikmura. Hindi pa rin kasi ako nakakakain nang matino simula kahapon. Ni hindi nga ako nakapag-lunch kahapon dahil may ginawa akong coverage for Inquirer. May ininterview lang naman ako. Ang masama lang, oras sya ng tanghalian. Alangan naman mag-interview ako habang kumakain. By the time naman na natapos ko na yung interview, nalipasan na ako ng gutom.

Pag-uwi ko sa bahay, di na rin ako nakakain dahil napagod ako sa biyahe. Nagpahinga lang ako sandali at gumayak na para sa isa ko pang raket. Nag-host ako ng debut para sa kaibigan ng kapatid ko. OK sana yun, kainan. E kaso nga, ako yung host so hindi rin ako nakakain nang matino. Ang tagal-tagal ko pang naghintay dahil late lahat, bisita at may birthday. Kagutom lang.

Balak ko pa sanang kumain sa bahay pag-uwi, kaya lang e sobrang pagod na rin ako kaya paghiga ko, ayun, borlog. Plakda. Tulog agad.

Pagkagising ko, alam kong gutom ako, pero di pa rin ako makakain dahil nga sa bawal sa ‘kin yung almusal. Umaasa na lang ako ngayon na sana e lumpiang sariwa ang ulam, o singang na bihira kong makain sa Maynila, o nilaga, o kare-kare, o chopseuy na may itlog ng pugo, o kahit anong luto ng bangus. Nagugutom na talaga ako!

Sana by the time na mai-publish ko itong blog ko e tatawag na ang isa sa ‘min ng “Kakain na!” Sana pagbaba ko mamaya papuntang hapag-kainan e masarap ang ulam. Ayoko munang alamin dahil mas gusto kong nasosorpresa. Me ganon?

Wait, ayan. Inuutusan na ni Mama yung kapatid ko na maghain. Ha ha! Yehey! Ilang minuto na lang at sasayad na rin ang pagkain sa aking kumukulong sikmura. Ilang minuto na lang at makakakain na ulit ako ng lutong-bahay. Hindi yung mga kainan sa Metro Manila na nagke-claim na lutong-bahay sila pero tipid naman masyado sa rekado at sa serving.

Ayan na… Nararamdaman ko na ang umuusok na kanin sa dulo ng aking ulong. Nararamdaman ko nang naglalaway ang aking bibig. Mararanasan ko na rin sa wakas ang mga pagkaing nagpataba sa akin noong mga panahong ako’y hindi pa ganito kapayat. Hindi ko naman pinapangarap tumaba ulit. Mahirap na. Pero pinapantasya ko nang husto ngayon ang kumain na parang wala nang bukas.

“Kakain na!”