Jesse

by Sankage Steno

Nagra-running stitch ako sa punda ng unan na nilabhan ko nung long weekend nang bigla kong maalala ang pagkaka-retrieve sa bangkay ni DILG Secretary Jesse Robredo at ng dalawa pa nitong kasama.

Kaninang umaga ay nabalitaan ko na yun sa TV, at kahit hindi man ako close kay Jesse ay nakaramdam ako ng kurot sa dibdib. Ganun talaga siguro kapag may mabuting taong namamatay. Kahit di mo kaanu-ano, maaapekto at maaapektuhan ka pa rin.

Alam kong ilang dekada ring naglingkod sa Bicol si Jesse bago kunin ang kanyang serbisyo ng kasalukuyang administrasyon. Sa katunayan, natuwa ako nang siya ang mapili bilang DILG secretary dahil mahusay talaga syang mamuno sa lokal na pamahalaan.

Tingnan nyo naman ang Bicol, kahit ilang ulit daanan ng bagyo, bumabangon agad at lumalaban. At sa tuwing may mababalitaan akong sakuna sa rehiyong iyon, di rin mawawala ang pangalang Jesse Robredo.

Hindi ko lubos na kabisado ang record ni Jesse bilang statesman o pulitiko, pero alam kong isa siya sa iilang matatapat na public servant. Bukod sa pagiging matapat at hindi tiwali, alam ko ring mahusay sya sa kanyang ginagawa.

Bibihira ang ganung uri ng tao sa gobyerno, na parehong mahusay at matapat. At bibihira na nga lang, kinuha pa ni Lord.

Hindi ko tuloy maalis sa isip na baka sinasadya yun para hindi lubos na umangat ang bansa, na para manatili tayo sa ganitong kalagayan. Whether man-made kasi o natural o cosmic ang cause, parang minamalas talaga tayo. Although hindi ko naman sinasabing wala na talagang pag-asa ang bansa natin.

Malaki-laking puwang ang pupunan ng sinumang papalit sa kanya.

At para sa nasa gobyerno, nauukol ang mga salita ni Jesse:

“Lagi ko pong sinasabi na itinaas na natin ang antas o sukat ng paglilingkod. Hindi na sapat na tayo ay matino lamang. Hindi rin sapat na tayo ay mahusay lamang. Hindi lahat ng matino ay mahusay, at lalo namang hindi lahat ng mahusay ay matino. Ang dapat ay matino at mahusay upang karapat-dapat tayong pagkatiwalaan ng pera ng bayan.”