Ansakit-sakit sa dibdib

by Sankage Steno

Second year high school yata ako noon nang magpatingin ako sa doktor dahil sumasakit yung dibdib ko. Sobrang natatakot ako kasi nga pabata nang pabata ang mga nabibiktima ng heart attack ngayon, at ayoko namang mamatay na bata, at ayoko ring mamatay sa heart attack. So, nagpatingin ako.

Tinanong ako ng doktor kung san masakit. Edi tinuro ko yung dibdib ko. Nagtanong ulit sya kung san talaga? Edi tinuro ko ulit ng daliri ko yung dibdib ko. Sa pangatlong ulit, tinanong na naman ng lintik na doktor kung san mismo sa dibdib masakit. E hindi ko ma-pinpoint dahil hindi sumasakit nung time na yun. Pero napilitan akong ituro na lang yung bandang kaliwa ng dibdib ko para may masabi lang.

Bago pa ‘ko tuluyang atakihin sa pagkabanas sa inutil na doktor na yun, e sinabi nyang ang nararanasan ko raw ay angina pectoris.

Kinabahan ako. Tunog nakamamatay kasi yung sinabi nyang sakit. Nakalimutan ko na kung ano yung nireseta nya sa ‘kin, kung meron man, at kung ano yung dapat kong gawin para mawala yung sakit. Pero alalang-alala ko na nag-research ako sa medical book sa bahay kung ano yung angina pectoris.

Laking gulat ko nang malamang ang angina pectoris pala ay… tentenenen… latin term for CHEST PAIN!

Nag-aksaya ako ng pera at oras at pasensya para lang sabihin sa ‘kin na meron akong chest pain? Wow ha. Laking tulong. Nawala talaga ang pag-aalala ko nang malaman kong ang sakit pala na nararamdaman ko sa aking dibdib ay chest pain. Bravo!

Kaya naman ngayon, kahit medyo nananakit na naman ang dibdib ko e hindi na ‘ko pupunta sa doktor na yun para ipakonsulta yung nararamdaman ko. Magreresearch na lang ako sa internet at magtatanong sa mga kaibigan kong nurse at doktor para malaman kong ang chest pain ko pala ay sakit sa dibdib, at ang sakit ko pala sa dibdib ay chest pain. At para mas professional sounding, sasabihin ko na lang na angina pectoris.

At pag sinisipon ako, iisipin ko lang na may FRIGUS ako. Tapos ‘pag sumasakit ang ulo ko, sasabihin ko na lang na meron akong CAPITIS DOLORES. ‘Pag sumasakit ang tiyan ko, baka meron lang akong CARDIMONA. Kapag naman sumasakit ang ngipin ko, iisipin kong DENTIUM DOLORI lang sya. At ‘pag naman inaatake na ‘ko sa puso, iisipin ko na lang na COR IMPETUM yun.

The doctor is in, I’m out!