Ang Maning Nangangagat

by Sankage Steno

Sarap na sarap ako sa maning pasalubong ng BOSS ko galing Iligan. Nangangagat kasi sya sa sobrang anghang. Ang nakakatawa pa, bukod sa ang tatak nito e Cheding’s, may tagline pa syang siguradong kakabog sa mga produktong napapanood ko sa TV.

Cheding’s Hot & Spice Peanut: Nag-iisang Pasalubong ng Iligan!

Pasensyahan na lang sa Dunkin’ Donuts na pasalubong ng bayan at sa Goldilocks bitbit pack. Kahit ano pang sabihin nyo, kung nasa Iligan CIty ang branch nyo e luging lugi na kayo sa nag-iisang pasalubong ng Iligan.

Image

Habang nililibang ko ang aking bibig sa pamamapak ng maning nangangagat e napaisip ako sa mga lalakeng naglalako ng mani sa mga pampasaherong bus sa EDSA. Nai-imagine nyo ba yung amoy ng dala nyang mani na nakalagay sa isang plastik na timbang di mo alam kung san pa ginamit?

Grabe, langhap-sarap talaga yun. Alam mo yun, kahit di ka naman talaga gutom o nagtitipid ka sa pera mo dahil matagal pa ang araw ng sweldo pero Pureza Station ka na, minsan talaga e di mo mapipigilang bumili… kahit yung tiglilimang piso lang. Basta mairaos mo lang yung biglaan mong paglilihi sa nangangamoy na mani.

Nung nawalan din ako ng trabaho kelan lang, malaking konsiderasyon ang inilaan ko para sa mga nagtitinda ng mani na ‘yan sa bus. What if gawin kong trabaho ang pagtitinda ng mani gaya ng ginagawa nila?

O, ba’t ka napapa-smirk?

Isipin mo ha, halimbawang sa isang bus ay makakabenta ka ng isang worth P10 na mani. Tapos sa isang oras ay makakasampung bus ka, at given nang tig-iisa lang yung bibili sa ‘yo. So far ay meron ka ng P100 sa isang oras.

What if sa isang araw ay magbebenta ka lang ng mani sa loob ng walong oras, tulad ng normal working hours? So kikita ka ng P800 within the day. Tapos i-multiply mo sya ng 20 days. Ipahinga mo na yung 10 araw na nalalabi sa isang buwan. Edi P800 times 20 days equals P16,000 ang kita mo in a month. Tax free! Andami mo pang days off.

Tengene. Malaki pa sya sa sinusweldo ko ngayon bilang “journalist.” E pa’no kung sinipagan ko pa ang pagbebenta sa isang araw? What if hindi ako nagde-day off at nilulubos ko ang pagtitinda buwan-buwan, taun-taon? Mas mayaman pa ‘ko sa mga Ingliserong call center agents ‘pag nagkataon.

Nagsayang lang ba ‘ko ng pera at panahon sa pagsisipag mag-aral para makuha yung overrated na college degree? No, I don’t wanna answer my question. At ayoko ring isipin na nagkamali ako ng desisyon sa buhay. (Which, in effect, is iniisip ko rin subconsciously dahil sinulat ko sya rito.)