Di masamang uminom. Si Jesus Christ nga ginawa pang alak ang tubig.

by Sankage Steno

Once pa lang yata ako napatumba ng alcoholic drinks. Yun e nung pinagsunud-sunod ko ang Red Horse at San Mig Light saka isang energy drink na di ko maalala ang pangalan dahil sa sobrang kalasingan. Hindi naman talaga ako bumagsak, pero nagising ako kinaumagahan sa suka at sakit ng ulo at tiyan.

Nakakahiya yung episode na yun sa buhay ko, pero di ko naman pinagsisisihan dahil, at least, may naikwento ako ngayon. Live and learn. Yes, pauso.

Marami-rami na rin akong nainom na iba’t ibang klase ng beer at alak, may international at maraming local, syempre. Nakatikim/inom na ako ng lambanog, rice wine, gin, rum, vodka, Bacardi (brand ba ‘to o uri ng alak?), red wine, white wine, wine ng simbahan (Mompo ba yun?), cocktail mixes, beer na matabang, beer na matapang, beer na mapakla, beer na parang tubig, beer na sikat, beer na may flavor, etc., etc.

Kung san-san na rin ako nakainom. Sa mga sikat na bar sa Morato, sa Timog, sa Eastwood, sa Greenbelt, sa Republiq (Yes, kailangan talagang i-mention ‘to.), sa bahay ng kaibigan, sa bahay ko, sa bahay ng di ko kakilala, sa tabi-tabi, sa kalsada (habang alerto sa rumorondang barangay), sa bangka, sa beach, sa office, at ang paborito ko, sa klase habang nagtuturo.

There even came a time na “uhaw na uhaw” ako sa pag-inom kaya gabi-gabi na lang e umiinom ako sa kung saan-saan. Well, those were the days. Di ko na sya nagagawa ngayon. Bukod kasi sa magastos e di na rin masyadong tempting sa ‘kin. Nakakasawa rin pala. For the most part kasi e bonding moments at kwentuhan lang ang habol ko sa pag-inom. Pampaganda na lang ng usapan yung alcohol at pulutan.

That’s why it surprises me na nasu-surprise ang mga “ka-close” ko kapag nalaman nilang umiinom ako. Malaanghel o malasanto kasi siguro ang imahe ko sa kanila. Iniisip ba nilang makasalanan lang ang may karapatang uminom (o manigarilyo, for that matter)? Live and learn. (Panindigan na ‘to!)

Let me tell you ang ilang benefits ng pag-inom maliban sa mga nabanggit ko na:

  • Lumalabas ang katotohanan.
  • Lumalabas ang ihing napakarami sa katawan.
  • Lumalabas ang “other” side ng tao.
  • Lumalabas ang sangkatutak na punch lines.
  • Lumalabas ang pagkahenyo ng tao.
  • Lumalabas ang iba’t ibang ideya sa usapan.
  • Lumalabas ang mga parte ng katawang di dapat ilabas.
  • Lumalabas ang natural na rosy cheeks.
  • Lumalabas ang balancing skills ng tao.
  • Lumalabas ang sama ng loob at kirot ng puso. Naks!

Sa medyo marami-rami kong experience with alcoholic drinks, di ko pa rin alam kung ano ang pinakamalakas makatama. Saka depende ba talaga yun sa umiinom? May tamang paraan ba ng pag-inom para di malasing? Mas mabula ba ang beer kesa sa Coke? Bakit puti ang ihi ko kung dilaw ang beer?

I hope to answer these questions and more sa mga susunod kong pagpawi sa “uhaw.”