Kinikilig din ba ang mga lalaki?

by Sankage Steno

Apparently, oo. In fact, nararamdaman ko sya ngayon. Gustung-gusto ko na ngang pumunta ng banyo para umihi kaso ayokong mawala yung feeling dahil dito ako humuhugot ng inspirasyon para isulat ‘tong sinusulat ko ngayon.

Isa pa, kakaihi ko pa lang tapos naiihi na naman ako. Pinatay pa yung aircon nung lagay na ‘yan pero binabalisawsaw pa rin ako. Di ko na talaga maintindihan ‘tong pantog ko. Kung pwede ko nga lang syang ibenta sa black market, ginawa ko na. May white market ba?

Pero seriously, I know for a fact na kinikilig din ang mga lalaki. Hindi nga lang sila kasinglalang magpahayag ng kilig ng kagaya sa mga babae.

Imagine mo naman kung yung mga lalake mong kakilala, kaibigan, kapatid o ama e ganito mag-react kapag nakakita ng maganda o sexy: AHHMAYGAHD! AHHHHHHHHH! CRUSH KO ‘YAN! AHHHHHHHHHH!

Kadiri, di ba? Parang holding hands lang ‘yan e. Kapag magkaibigang babae, ayos lang na maghawakan ng kamay. Pero kapag magkaibigang lalaki at nag-HHWW, alam na. Ganyan katindi ang imagination nating mga Pilipino. I’m not sure kung ganito rin ang perception sa ibang bansa. Kase, alam ko, may mga culture na normal lang na maglapit nang todo ang mukha ‘pag nag-uusap o yung mag-kiss as a sign of respect or brotherly love.

So pa’no ba kiligin ang mga lalaki? Lalake? (Leche, ang inconsistent ko sa spelling!)

Kapag magkakasama ang mga ‘yan at kinilig ang isa, WOOOOH! Tapos, may suntok pa ‘yan o masahe sa balikat ng kung sinong malapit sa kanya. Pwede rin namang tulakan o yung piyuwit. Ano yung piyuwit? Yun yung kapag may dumaang seksi, biglang sisipol yung mga tambay na lalakeng walang saplot na pantaas … PI-YU-WIT!

Kaya lang, di ako ganon. ‘Pag ako e kinikilig, tahimik lang ako. Pero ‘pag di ko na makimkim pa sa sarili ko yung nararamdamang kilig, ano, umm … sinusulat ko sya.