Rated PG

by Sankage Steno

Ilang beses na rin akong nabiktima ng mga ironic na situation ha. Di na nakakatuwa. Pero nakakatawa. Nung Lunes, bago pumasok sa trabaho, e dumaan ako sa tindahan ng puto at bumili ng isang kakanin, yung parang ube na malagkit. Tuwang-tuwa ako kasi P10 lang sya. Napakamura, to think na sa part ng Makati ko sya nabili.

Pagdating ko sa office, bumili pala yung boss ko ng dalawang supot ng pandesal mula sa Pan de Manila na may kasama pang peanut butter. Edi ako naman, medyo nanghinayang kasi nasayang yung P10 ko. Meron naman palang almusal sa opisina. Sana hindi na lang ako gumastos. Pero dahil P10 lang yun, kebs na lang.

Nung tanghalian na, lumabas ako at pumunta ng MiniStop para bumili ng meal, yung burger steak na nire-reheat lang. P48 naman yung halaga nya. Edi dinala ko sa office at kinain. After kong makakain, dumating ang P5.000 worth na pagkain mula sa Pixie’s Sinugba. Tae, sabi ko sa sarili ko. Kung kelan ako nakagastos at nakabili, saka naman dumating yung libre… ulit.

Tiis-tiis na lang. Ang ginawa ko bilang pampalubag-loob, nag-uwi ako ng relyenong bangus para hapunan ko sa bahay. Ayun, masaya na ‘ko. Mabait naman yung boss ko, at sya pa yung nagsabing mag-uwi nga raw ako dahil ang daming natira.

Kahapon naman, nung tanghalian uli, nakakain na ko nang biglang magyaya yung isa kong kaopisina na kumain sa labas. Ililibre raw kami nung kapatid ng boss ko. Aysusmaryosep! Twice na ‘kong nalugi. Kapag tinamaan ka nga naman ng kamalasan. Pero kahit busog na ‘ko, sumama pa rin ako para masulit. Mabuti na yung may imbak sa tiyan, no.

Sa Jollibee dapat kami kakain, e kaso puno nung time na yun kaya nauwi kami sa Red Ribbon, which is mas OK naman, I think. Kinain ko yung pancit palabok na may kasamang chocolate cake. Men, ang sarap pareho. Kahit busog ako, di ko tinantanan. Simot-sarap hanggang mantsa sa plato!

Tapos kanina, nag-expect na ‘ko. Hindi ako bumili ng almusal. Pagdating ko sa office, may naabutan akong pandesal. Achib! Tapos nung lunch, dumating yung naglalako ng pagkain sa amin pero di ako bumili kasi baka may manlibre ulit.

Pero sawi ako. Walang nanlibre. Kung kelan naman ako handang-handa sa pagtanggap ng free lunch e biglang wala. Pinaglalaruan ba ‘ko ng tadhana? Joke ba yun? Di ako natuwa. Pero nakitawa ako. Tae, naisip ko. Patay-gutom ko naman much. Very Pinoy. Mahilig sa libre kahit meron namang perang pambili. Grepa kung grepa lang. Kainis!

But no matter, at least napatunayan kong garapal ako sa libre. I know myself better now.