Inggit

by Sankage Steno

Pro-RH bill ako dahil naniniwala ako sa choice ng bawat tao, masama man o mabuti para sa kanya. Para sa’n pa ang free will kung walang choice, di ba? Pero di naman ibig sabihin nun e ayoko na sa mga bata o baby. Basta ba kayang palakihin at mahalin, why not, doughnut? Yung butternut gusto ko.

Ang random lang.

Marami na kasi akong kaibigan at ka-batch na nagkaanak o nagkakaanak o inanakan o nagpaanak, at kahit masayang makita na masaya sila sa kani-kanilang anak, whether nasa sinapupunan pa o nasa mundo na, I’m not gonna deny na merong konting inggit akong nararamdaman kapag nalalaman ko o nakikitang may anak sila.

I’m not saying na gusto ko nang magkaanak ngayon. Ayos lang din naman sa akin kung sakaling mabiyayaan ako ng isang cute boy o cute girl. Fine, kahit pa hindi cute at hindi “normal,” basta siguro anak ko e sigurado akong mamahalin ko sya. Alam mo yung feeling na hindi mo pa nakikita o nakikilala yung anak mo, pero sa loob mo e alam mong mahal mo na sya?

Instinct siguro yun. And I can feel na yung aking paternal instinct e sobrang sumisipa ngayon. Parang nangangarerang kabayo. Like kanina, nakita ko na naman sa Facebook yung kaklase ko nung highschool na ang profile picture e yung anak nyang lalaki, at ang laman ng kanyang timeline e puro album at status about sa kanyang anak. Sobrang nakakataba ng puso; at the same time, nakakainggit din.

Para kasing ang sarap maging magulang. Alam kong mahirap. Kita ko naman yun sa sarili kong magulang. Pero kita ko rin na kahit ga’no pa ‘yon kahirap e nakakaya o kinakaya ng mga magulang dahil, syempre, mahal nila yung kanilang anak.

Nasabi nga rin ng Mama ko noon, kahit pa di ako sang-ayon, na makikipag-deal daw sya sa demonyo para lang sa ikabubuti naming mga anak nya. O di ba? Ibang level yun. Ako hindi ko masasabing kaya kong gawin yun ngayon, pero siguro kung magiging magulang ako e maiintindihan ko sya lalo at baka sabihin o gawin ko rin.

Naiinggit din ako sa “pagbabago” ng mga kaibigan ko kapag nagkakaanak. Alam mo yung mga dati mong kaklase na suki ng prefect of discipline at sobrang maloloko nung mga bata pa kayo e biglang parang naging Virgin Mary ngayon o San Jose. Biglang naging mabait at matino. Tapos kapag pinapaalala mo yung dati nilang ugali, ngingiti lang. Alam mo na ibig sabihin nun.

Nakakatuwa talaga yung ganun. May magic na dala ang bawat baby na dumarating sa mundo. I even heard one gynecologist (o obstetrician?) na sa dinami-rami ng kanyang naipaanak e lagi pa rin daw syang namamangha sa tuwing mailalabas niya yung bata sa tootooot ng nanay nya. Magkahalong saya at  misteryo yung nararamdaman daw nya.

Ang galing naman talaga. Nakakalungkot nga lang na yung ibang magulang e libangan na ang gumawa ng baby pero di naman kayang bigyan ng matinong buhay. Di mo rin naman masisi dahil wala silang alam dun. Marami sa kanila ang walang trabaho at/o walang pinag-aralan. Kaya yung mga anak nila, ganun din tulad nila.

Kaya ako, kung magkakaanak man ako, feeling ko may mababago rin sa ‘king malaki, as in super unexpected na pagbabago. Syempre for the better. Or kung expected man, I know I’ll change para maging better man. At kung sino man ang magiging anak ko in the future, I love you so much. Ang tanong nga lang, magkakaanak ba ‘ko?