Pa-English-English pa kasi

by Sankage Steno

‘Wag mo na kasing pahirapan ang sarili mo. Alam mo namang di ka kagalingan sa English, ipipilit mo pa rin. Hindi naman bawal magsalita ng Filipino. Ang ending tuloy, naging joke ka. Well, kung gusto mong maging joke, sige ituloy mo lang ang paggamit ng English mong baluktot. At para mas nakakatawa ka, tandaan mo ang classic advice ni Mikey Bustos: “In da Pilipins, der is no leter ep.”

Nawalan ako ng cellphone noon sa MRT Ayala Station. Ang modus operandi ng mga mandurukot, sasabay sila sa rush hour, tapos ‘pag dumating na yung tren, makikigitgit sila papasok ng MRT para kunwaring sumakay.

Habang sinisiksik ka nila e saka nila dudukutan yung bulsa mo para kunin yung cellphone o gadget o pera. Syempre, di mo mapapansin sa una dahil gitgitan nga. So iisipin mong yung sensation sa may hita mo o puwitan, kung asan man yung bulsang dinudukutan, e dala lang ng mga naggigitgitang tao. 

Kapag nakuha na ng mga mandurukot yung cellphone mo, aalis na sila at di na tutuloy sa loob ng tren. Malalaman mo na lang na gumaan yung bulsa mo at nawala yung nakaumbok na gadget. Too late na kasi magsasara na yung pinto ng MRT at aandar na papunta sa north o south of Metro Manila.

Ganyan ang nangyari sa akin dati.

Nung malaman kong nadukutan ako, syempre nainis ako sa sarili ko at nalungkot din. Pero ginawa ko ang  dapat ginagawa ng mga responsableng mamamayan sa lipunan: nag-report ako sa pulis. Alam ko kasing may station ng pulis sa may North Ave. station, dun sa may Trinoma. Kaya pagdating ko dun, agad kong pinuntahan yung himpilan para magsumbong o mag-ulat.

Ang unang naging reception sa akin nung pulis e parang nayamot o nainis (kasi may gumambala sa pagtunganga nya dun). Sinabi ko na nanakawan ako ng phone. Akala nya siguro e ipapahabol ko yung mandurukot. E hindi naman yun ang dahilan ko. Kung kaya nya, edi go! Habulin nya at bawiin yung phone ko, pero di ako umasa talagang mababawi pa sya. Gusto ko lang namang ipaaalam yung nangyari sa kanila para alam nila yung modus operandi ng mga mandurukot.

In the future, hopefully, e mapigilan sana nilang maulit yun kapag alam na nilang may ganung klaseng krimeng nangyayari sa turf nila. Yun ang dahilan ko kung bakit ako nagsumbong.

E tanga, parang incompetent sya.

So kinuha nya yung blotter nya at gumawa ng report. Ang pinagtataka ko, sobrang tagal nyang nagsusulat  dun sa malaking notebook. Naikwento ko na’t lahat, napanis na laway ko, nangawit na yung mga binti ko kakatayo, at natakam na ‘ko sa mga paninda sa paligid, hindi pa rin tapos yung pulis sa pagsusulat.

After 10 years, natapos din niya yung report. Pinabasa nya sa ‘kin para i-check ko raw kung tama yung mga detalye ng pangyayari. Nung binasa ko ang report ni mamang pulis, muntik na akong matawa. As in, sobrang nakakatawa sya, pero pinigilan ko yung sarili kong magbuka ng bibig.

English kasi yung report. English! E sobrang mali-mali talaga yung spelling, grammar, punctuations at sentence construction. Naintindihan ko naman yung kwento kasi alam ko yung nangyari, pero kung ibang tao ang babasa nun, wala talaga. Bagsak talaga grade nya sa ‘kin sa English.

Kaya pala sya nagtagal e dahil sobrang nag-nosebleed sya sa pagsulat ng report in English. Hindi ko lang masabi sa kanya na, “Kuya, pwede naman kasing mag-Tagalog, bakit pinagpilitan mo pang mag-English? Nagpapasikat ka ba sa ‘kin? ‘Wag ganun. Mataas standards ko.”

E kaso hindi ko na nasabi kasi may baril sya at batuta. Ako, ballpoint pen lang ang dala. Kung siguro sword yung armas nya, ilalaban ko yung pen ko. You know why? Kasi… fill in the blank.