Lupaypay

by Sankage Steno

Naglakad lang ako buong hapon sa may SMX, pakiramdam ko agad e parang lupaypay na. Samantalang nung umakyat kami ng Mt. Pulag, game na game pa ‘kong pabagalin yung lakad para mas tumagal yung nature tripping. Ang weird lang.

Kung tutuusin nga dapat hindi ako mapagod masyado ngayon kasi, una, hindi naman paakyat yung nilakaran ko kanina–patag naman. Pangalawa, hindi naman mainit; in fact, ang lamig-lamig nga dun sa convention center. Pangatlo, hindi naman kabigatan yung dala ko kumpara sa travel backpack at tent na dala ko nung umakyat kami ng bundok.

Siguro malaking factor yung alam mong mahihirapan ka sa gagawin mo kaya nakakapaghanda yung katawan mo sa stress. Nasasabihan na agad ng utak na, “Oy, humanda ka. Aakyat ka ng bundok!” E di tulad ngayon na walang ganung warning.

Ang masama pa nito, hindi pa rin tapos ang araw dahil may gagawin pa ‘ko hanggang mamaya. Buti sana kung pwede nang magpahinga. Well, itong pagsusulat ko ngayon e isang form na rin ng pagpapahinga. At least nave-vent out ko rito ang aking stress.

Or is it because nagkakaedad na ‘ko? Nagkakaedad? Wow, parang kwarenta na ‘ko kung makapagsalita. Ni hindi pa nga ako tumutuntong ng trenta. Grabe naman.

Ay, wait. Kaya siguro mas napagod ako ngayon e dahil ginawa ko na namang photographer ang sarili ko. Ayaw na ayaw ko kasing ginagawa yun lalo na kung sa trabaho. Ang hirap kasing mag-focus sa paligid kung alam mong dapat kunan mo ng litrato ang lahat ng nangyayari. Kung bakit naman kasi nagmaganda pa ‘kong mag-volunteer na maging photographer. Napala ko tuloy.

Pero, at least, nag-enjoy naman ako sa ginawa ko. At least din e hindi ako buong araw lang na nasa harap ng computer. Mas nakakapagod ang walang ginagawa for me. Ikaw, feeling mo? May mga ganun kasing tao na mas napapagod o nagugutom o inaantok kapag nakatengga lang. Ganun ako. Mas gusto ko yung may ginagawa kesa wala.

Meron nga pala akong kinunan kanina sa event na talagang walang kwenta at walang kinalaman sa mga pangyayari, pero sya ang favorite ko. Feeling ko nga ‘pag tinitignan ko yung kuha ko na ‘to, nawawala ang stress ko. Eto sya o:

Image