Black Tuesday

by Sankage Steno

Image

Ipapatupad na bukas ang Cybercrime Prevention Act, at dahil may retroactive effect ito, kahit yung mga pambu-bully o pang-aasar o paninira na ginawa bago ang October 3 e idadamay ng batas na ‘to at posible pa ring makasuhan.

Hindi ako makapaniwala na ang ibinoto kong pangulo, na anak ng mga taong simbolo ng demokrasya at lumaban sa diktadurya ni Marcos, ang siya pa mismong pumirma ng batas na ito, sa mismong buwan kung kailan pinirmahan ni Marcos ang Batas Militar apatnapung taon na ang lumipas.

Napakalaking kabalintunaan!

Kaya ngayon, inaalay ko ang aking panulat upang isigaw sa buong cyberuniverse na ibasura ang libelo at lahat ng mapaminsalang probisyon sa Cybercrime Prevention Act!

Hinihiling ko sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang ilang bahagi ng batas na ito sa lalong madaling panahon. Hindi man maparusahan ang mga “lalabag” kuno rito sa panahon ng administrasyong Aquino, dahil pinahahalagahan niya diumano ang demokrasya ng bansa, hindi tayo nakasisiguro na sa mga susunod na taon ay ganun pa rin ang mananaig.

Nananawagan din ako sa mga senador na pumirma upang maipasa ang batas na ‘to na i-pressure ang ating mga hukom upang matigil ang panibagong paniniil na ito sa ating kalayaang magpahayag, na siyang nagsisilbing puso at dugo sa isang demokrasya.

Maging malinaw sana sa lahat, lalo na sa mga taong tulad ko na hindi nakaranas ng Batas Militar, na hindi kailanman makabubuti sa isang bansa o pamahalaan kung ang mga mamamayan nito ay nakagapos, hindi malaya, at walang karapatang ipahayag ang kanilang saloobin hinggil sa mga usaping pansarili, lalo na ang sa panlipunan.

Samahan niyo sana ako sa bagong pakikibaka na ito.

No to Cybercrime Prevention Act! Never again!

Image