Para sa paborito kong teacher

by Sankage Steno

Una, maraming salamat!

Pangalawa, sana mag-retire ka na. Hindi ka nakakatulong sa mga pag-asa ng bayan. Yung mga tinuturo mo sa loob ng silid-aralan e hindi mo naman sinusunod o isinasabuhay. Isa kang malaking kahihiyan sa propesyong minahal at hinahangaan ko.

Lilinawin ko lang kung bakit kita pinapasalamatan. Alam mo kasi, kung di dahil sa ‘yo e baka hindi ko matututuhang kamuhian ang mga ginagawa ng mga taong tulad mo. Pa’no mo naaatim na humingi ng kung anu-ano sa mga estudyante para kamo maipasa sila? Sira ba ang ulo mo? Kelan pa naging basehan ng pagpasa ang pagbibigay ng mga kailangan mong gamit sa ‘yo?

Gusto rin kitang pasalamatan kasi nakita ko sa ‘yo ang mga bagay na ayaw na ayaw ko sa isang teacher, at sa isang tao. Kung di kita nakilala, hindi ko malalaman ang mga style na bulok na ginagawa ng mga taong walang respeto sa kanilang propesyon at sa kanilang sarili. Baka sa kalaunan e nagawa ko rin yung mga bagay na ginagawa mo ngayon. Buti na lang talaga andyan ka.

Pangatlo, sana ay matutunan mo, kahit sa huling mga sandali, kung pa’no talaga ang magturo. Hindi naman kasi pagtuturo ang pagbibigay lang ng assignment at topic na irereport sa mga student. Yung araw-araw na reporting, paninigaw, pamamahiya at pagmamaliit mo sa mga mag-aaral ay isang magandang halimbawa kung pa’no maging isang demonyong guro sa impyernong classroom.

Nakakahiya na may pagkakahawig tayo sa pangalan. Pero ‘wag kang mag-alala, hanggang dun lang ang pagkakamukha natin. Sa ugali pa lang, alam kong hindi kita katulad. At ipinagdarasal ko na sana ay hindi kita matularan, lalo na ang iyong mga pamamaraan, kahit kailan man. Gagawin ko ang lahat para hindi maging corrupt, tamad, bobo at walang kwentang teacher na tulad mo.

Muli, maraming salamat at nakilala ko ang isang tulad mo. Ikaw ang pinakapaborito kong teacher dahil ang dami kong natutunang bagay mula sa ‘yo tungkol sa buhay na alam kong hindi ko dapat gayahin. Happy teacher’s day!

Advertisements