Amoy amoy din

by Sankage Steno

Grabe, dude, pare, bro! Na-workout masyado ang ilong ko kahapon sa Binondo. Ang tindi ng mga amoy dun!

Unahin na natin yung mga pangit para happy ending tayo. So nagsimula kami sa Ongpin Street, dun sa may estero, yung may tulay. Ay, grabe, dude, pare bro! As usual, wala pa ring tatalo sa amoy ng mga estero sa Maynila, except na lang siguro dun sa ilog sa Meycauayan na pinakamarumi raw sa buong mundo.

Madali namang nalutas ‘to. Hindi namin nilinis, ano ka ba! Umalis kami syempre dun at naglakad palayo. Dun kami napunta sa may tusukan ng insenso. Syempre, bilang poser ako, nagtulis din ako ng dalawang incense at nagdasal. Hindi naman sa nabahuan ako, pero hindi ko sya gustong ilagay sa kwarto o bahay ko.

Ang sabi nila, kapag daw nabahuan ka sa insenso e may masamang espiritu, or ikaw daw mismo yung masama. Talaga lang ha?

Anyway, kain muna tayo. Bago nga pala naglibot e dun kami nag-park sa may Padilla Street, na dating Gandara Street daw–di ko sure. Kumain kami dun sa “Ang Tunay Beef House.” Panalo ang pangalan, di ba? So syempre yun ang hinanap ko. “Asan po yung tunay na beef dito?”

Then, nagbigay sila ng sabaw na may spring onions, ginger shreds at beef strips. Sa loob-loob ko, ano ‘yan? Pero nung tinikman ko na, napa-wow talaga ako sa sarap. Hindi naman sya over sa sarap, pero ang layo kasi ng lasa dun sa hitsura ng pagkain. Swak na swak yung luya sa sabaw at sa baka.

Pagkatapos kumain, tuloy ang lakad sa mga kalye ng Binondo. Ang daming prutas. Pero ang pinakanakaagaw ng pansin ko e yung durian. Durian sa Binondo? Astig, dude, pare, bro! Akala ko sa Davao lang marami nun. Pati pala dito, marami rin. Syempre di ko na masyadong nilapitan, kasi malayo pa lang amoy na amoy ko na. For me, hindi mabaho ang durian. Strong lang talaga ang presence nya. (May difference ba yun?)

May nakita rin akong marang. Di ko na inamoy. Sayang nga e. Tapos may nakita akong nagtitinda ng tubo. Bibili sana ako kasi seven years old yata nung huli akong kumain nun. Kaso ang mahal! P60 daw isa, e dati P2 lang bili ko nun sa may kanto sa amin sa probinsya. Di ko na binili. Sayang ulit. Tapos nakakita ako ng kundol. Ang laki pala nya! Malaki pa sa upo, pramis! Amazing!

Tapos lakad ulit. Ang daming nagtitinda ng scented candles at insenso. Di ka pa pumapasok sa loob, amoy na amoy mo na. At in fairness, ambabait ng mga nagtitinda. Kahit panay ang picture ko, wala lang sa kanila. Mega smile at pose pa sila. Pinoy talaga, sabik sa exposure.

Pinakadabest sa ‘kin yung isang drug store sa may Benavidez Street. Over talaga ang amoy. Malayo pa lang ako, nanunuot-sarap na sa ilong ko yung samut-saring paninda nila. Ni hindi ko nga maintindihan kung ano yung mga nasa loob ng estante nila e. Basta mga Chinese medicine, herbs, animal parts, etc. May corals pa nga yata saka mga insekto. Ang weird nung amoy. Pero ang saya!

At talagang manghang-mangha naman ako no? Parang first time kong nakapunta dun. Hindi kaya! Pero first time kong napagtuunan ng pansin yung pang-amoy ko. Hindi pa ako nakakadalawang oras, hilo na ‘ko agad. Di ko na natapos yung buong trip–pupunta pa sana ng Divisoria. Sumuko na yung ilong ko.