Susmaryosep!

by Sankage Steno

Takot na takot ako sa Nanay ko kapag naririnig ko syang sinasabi ito noong maliit pa ‘ko. Feeling ko kasi e katapusan na ng mundo. Pagkalakas pa naman at pagkatinis minsan ng pagkakasabi nya. Saka ang context madalas kapag nasasabi nya yun e ‘pag nagulat sya o may isa sa aming nasaktan, so nakakatakot talaga.

Pero ngayon, bihira ko na lang syang marinig sa bahay. Bihira na rin naman kasi ako sa probinsya. Mas madalas ako sa Maynila. Nakaka-miss din.

Alam ko naman, at alam kong alam mo rin, na ang etymology ng ‘susmaryosep’ e yung pangalan ng bumubuo sa Holy Family: si Hesus, Maria at Joseph.

Di ko maintindihan kung bakit si Joseph lang yung gumamit ng English name nya sa ‘susmaryosep’ samantalang yung dalawa e yung local name dito sa Pinas. Oh well, baka naimpluwensyahan na ng imperyalismo si San Jose noon pa man. Or baka na-“pacify” na sya at naturuan ng mga Thomasites.

Labo.

Anyway, gusto ko lang namang ipaalam sa iyo na nagagamit pa rin naman madalas dito sa Maynila ‘yang ‘susmaryosep’ na ‘yan. Yun nga lang, iba ng kaunti yung konteksto. Mas nakakatawa.

Yung kasing mga kaibigan ko, kasama na rin ako syempre, kapag nakakakita ng cute sa paligid, at alam ng bawat isa na pare-pareho kami ng nakita o napansing cute, magkakatinginan na kami nyan. Magkakantiyawan na at kanya-kanyang papansin effect.

May biglang magtatanong ng cellphone number sa amin o kaya e manunulak papunta dun sa cute o biglang sisigaw ng “Aray!” kahit wala namang ginagawa sa kanya. Pero ang pinakabenta sa akin e yung ‘pag bigla na lang may magsasabi ng ‘Ay, SUSMARYOSEP!’

Ewan ko na lang kung wala pang pumansin doon. E ang nakakatawa pa, minsan sasabayan pa yung pagsasabi nun ng pagsa-sign of the cross kunwari pero mali-mali naman yung dinadampian ng daliri. May una sa pusod o sa dibdib, bago sa noo at sa balikat. Patawa lang.

Lahat pa naman kami e mga nagsipag-aral sa Catholic school. Nakakahiya kami. Patawarin sana kami ng Diyos. Pero nakakatawa talaga yung ‘susmaryosep’ na ‘yan. Walang kupas! Kaya minsan kahit seryoso na talaga yung pagsasabi ng ‘susmaryosep’ e di ko pa rin mapigilan yung sariling tumawa, kahit sa isip lang.

Ay, susmaryosep! May cute, wait lang. Poporma lang ako.