Taong Bundok

by Sankage Steno

Sa pangatlong pagkakataon ay umakyat na naman ako sa kabundukan ng Cordillera sa taong ito. Natutuwa naman ako at kahit ilang beses na akong nakapunta sa Benguet, Ifugao at Mountain Province e hindi ko pa rin pinagsasawaan yung mga bundok nito, pati na rin syempre yung mga puno, talon, hayop, at kung anik-anik pa. Nagtataka tuloy ako…

Igorot ba ako sa past life ko?

Posible kayang isa ako sa mga Igorot na lumilok at lumikha ng sikat na sikat na Banaue Rice Terraces? O baka naman ang ginawa ko e yung sa Batad? O yung sa Bayyo? O yung sa Sagada? O yung vegetable terraces kaya sa Benguet? Ang dami kasi. Baka naman lahat yun nag-contribute ako sa paggawa.

Hindi naman sa naniniwala ako sa reincarnation, pero di ko rin naman inaalis ang posibilidad na baka nga totoo ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng ibang tao o nilalang. Katoliko pa rin naman ako, although syempre, gaya ng mga middle class dyan at nakapagtapos ng pag-aaral, may pagka-agnostic din ako. Hindi lahat ng sinasabi sa Bibliya, o ng mga pari, e basta-basta ko na lang pinaniniwalaan.

Isa pa, hindi naman yun ang topic ko. Bakit ba ako napunta sa religion?

Balik tayo sa bundok. Sa tuwing nababalik ako sa bahaging ito ng Pilipinas, lalo akong humahanga sa kultura at tradisyon ng mga Igorot. Pero mas tama sigurong sabihin na humahanga ako sa kanilang dating pamumuhay. Hindi na masyado kasing kita ngayon yung kultura nila, although andyan pa naman. Marami na kasi ngayon ang naka-jeans sa halip na nakabahag o nakatapis.

Wait, kung dati akong Igorot, ibig sabihin e lagi akong nakabahag. E ang lamig-lamig dito sa bundok tapos nakabahag lang ako at walang saplot na pang-itaas? Ang kapal naman ng balat ko. Baka naman kalabaw ako dati? Hanep! Pero naisip ko na may point din namang maghubad sila dahil mainit ang sikat ng araw sa bundok kahit pa napakalamig.

At dahil lagi silang nasa payo (terraces), madalas din na nakabilad lang sila sa ilalim na araw. In fairness namna, may justification ang suot nila (o namin). Ang ganda pa ng designs nila sa pagkaka-weave ng mga tela. Imagine the science and math behind the terraces and the weaving patterns. E wala naman silang formal education noon. Pa’no nila naisip yun? Tinulungan ng alien?

O baka naman ako yung alien na yun in my past life? Ay, ambot Ako na lahat. Me already!