Asan na ang videoke?

by Sankage Steno

Unang gabi ko pa lang sa biyahe namin e humihirit na ako ng videoke. At ngayong nasa huling gabi na bago kami bumalik ng Maynila, naghihintay pa rin ako sa videoke. Sabi meron daw, pero hanggang ngayon e wala pa rin, at naniniwala akong hindi na sya darating pa.

Pangarap ko pa namang makapag-videoke sa kabundukan. Pangarap talaga ha? Edi hinde, joke lang. Gusto ko lang talaga kumanta. Ikaw ba naman ang umakyat-baba ng mga bundok, syempre hahanap ka ng refuge mo o payapang batisan o stress reliever pagkatapos. At pagkanta yung isa sa mga pampaalis ko ng pagod.

E kaso, dito sa tinutuluyan ko ngayon sa gitna ng kabundukan, nasa rooftop daw yung videoke. Hindi ko alam kung bakit andun e wala naman daw saksakan doon. Samantalang andito kami sa loob ng bar tapos walang videoke? Grabe naman. Bakit naman yun pa ang nawala?

Kaya eto ako ngayon, napunta sa pagba-blog. OK lang din naman ang magsulat, gusto ko nga e. Kaso lang, noong Linggo pa ako naglilihi sa pagkanta. Ang sarap pa namang kumanta kapag nasa tuktok ng bundok. Parang lalong nakakaganda ng boses. Pero feeling ko lang yun. Ang hihilig kasing kumanta ng mga katutubo rito. Tapos yung mga naririnig ko pang kanta sa cellphone at radyo nila e puro country music sa US.

Ibang klase rin.

Kung napaamo ng mga Kastila ang lahat ng lowlanders sa Pilipinas, waging-wagi naman ang mga Amerikano sa kabundukan ng Cordillera. Somehow maganda kasi nakarating ang edukasyon sa kanila, pero syempre pati na rin yun Western culture nasama. Medyo frustrating, pero ganun na talaga. Di na yata mababago.

E kung makakantahan ko lang sana sila ng mga pamatay kong OPM sa videoke, edi baka kahit papano e magustuhan nila yung mga awiting sariling atin. Marami kaya tayong magagandang kanta. Nakakalungkot lang na hindi masyadong napapatugtog sa mga radyo natin, at di rin masyadong tinatangkilik ng mga Pilipino.

Kaya sana naman, may himalang dumating. Parang awa niyo na. Ibaba niyo na ang videoke!