Sana Sagada

by Sankage Steno

‘Pag bumalik ako dyan after 10 years e pwede pa rin akong maligaw sa mga pine trees. ‘Wag ka namang gumaya kay Baguio na nilamon na ng commercialization. Na mismong yung mga pine trees na talagang dinadayo sa lugar e pinuputol na para may mapaglagyan ng parking space.

Ano ba ‘yun?

Porke nabili na nila yung lupa, pwede na nilang gawin ang kahit anong gusto nila? Fine, legally speaking e tama naman yun, pero ano ba? Wala naman talagang may-ari ng lupa sa mundo. Nauna pa yun sa mga tao e. At ‘pag namatay yung tao, andyan pa rin yung lupa. Pa’no mo maaangkin yung isang bagay na nauna pa sa ‘yo at ‘pag nawala ka e andyan pa rin?

Ayokong mangyari yun sa Sagada o sa kahit san pa mang kabundukan sa Cordillera at sa buong Pilipinas. Hindi ba pwedeng magmina na lang sa lugar na walang nakatira, like North Pole o South Pole? O kaya naman e sa ilalim ng dagat na lang. Tapos sana maging “sustainable” na yung pagmimina.

Saka pwede ba na isama sa pag-unlad ng isang bayan yung pagpaplano? Hindi yung basta-basta na lang magpapatayo ng kung anu-anong pangit at nililibag na gusali. Tingnan mo yung mga building sa Maynila at sa Baguio, puro libag! Sa Sagada, nag-uumpisa na ring maging ganun. Hula ko nga e within 10 years, lalo na ‘pag natapos yung sinesementong kalsada, e magiging ganun na rin ang hitsura nya.

Malayung-malayo dun sa mga nasa picture na puro pine trees lang at yung mga bahay e yari lang sa kugon at kahoy mula sa pine tree.

OK lang naman ang pag-unlad. Go ako dyan! Pero sana sinasamahan talaga ng pagpaplano. San manggagaling yun tubig? Anong materyales ang gagamitin sa mga gusali? Pa’no ang takbo ng mga kalsada? E yung sewage system? Yun kasi ang madalas na wala sa mga umuunlad na lugar sa bansa e. Basta nagkapera, patayo nang patayo kahit pangit at hindi bagay sa lugar at sa klima.

Kainis lang.

Kaya naman, mga kapatid at kaibigang Kankana-ey, please lang, hindi pa huli ang lahat, iligtas po ninyo ang Sagada. Mayor Latawan, magplano po. Huwag po tayong pasilaw sa yaman. Mas mayaman po ang Sagada kesa sa ibinibida ng economic progress na ‘yan.

Gawani, sabi nila you were born 50 years late, pero naniniwala akong hindi pa talaga late. Sana lahat ng tagadyan e matuto mula sa ‘yo. Sana rin ay mahikayat mo sila sa paniniwala mo. Isa ka sa mga hinahangaan ko. Wag kang papatakot. Laban kung kinakailangan. Para ‘to sa Sagada mo, sa Sagada ninyo.

Dr. Faustino, pakitulungan naman po si Gawani. Alam ko pong hindi mo problema ‘yan, pero alam kong may magagawa ka para hindi masira ang Sagada. Alam nyo naman po ang ginawa ng Besao. Alam nyo rin po ang mga mali dyan sa lugar na pinili mong pag-retire-an. Please, please po, pakiingatan ang Sagada.

At para sa mga turista o dayo sa lugar, hindi sa atin ang Sagada.

Image