Masakit

by Sankage Steno

May mga taong kinuha ni Lord sa buhay ko nang biglaan. Masakit yun. Pero iba ngayon. Yung makita mo ang mahal mo sa buhay na unti-unting nanghihina, at ayaw mong isipin sa sarili mo ang maaaring mangyari anumang oras, pero alam mo ring hindi malayong mangyari ang ayaw mong isipin. Ang sakit-sakit lang.

Mas nakakadagdag pa ng sakit sa kalooban yung alam mong wala kang magawa para matulungan siya. Hindi mo maipagamot dahil wala kang pera. Nagdarasal ka nang paulit-ulit sa Diyos na sana magbigay ng himala. Tinatawag mo ang lahat ng banal, pati na rin yung mga iba pang mga pumanaw para manalangin para sa iyo, para tuluyang mapagaling ang mahal mo sa buhay.

Sa tuwing dudungaw ako sa kwarto niya at makikita ko siyang naghihirap, nahihirapan din ako. At nang buhatin ko siya para dalhin sa banyo dahil di na siya makatayo, parang sinasaksak yung dibdib ko sa sakit, pero di ako makaiyak dahil baka makita niya at lalo niyang ikapanghina. Baka lalo lang ding lumungkot yung iba ko pang kamag-anak, na alam kong pare-pareho kaming nasasaktan sa nangyayari.

Ang corny naman kung tatanungin ko pa ang Diyos kung bakit kami pinapahirapan nang ganito. Kung bakit pinapahirapan ang tita kong may cancer. Wala namang sagot. Kung meron man, iro-romanticize lang, parang yung ginagawa ng mga pari para maibsan yung paghihirap na nadarama ng mga kaanak na nananangis.

Pero lagi ko pa ring kinakausap ang Diyos, at talagang kinukulit ko Siya. Panay ang hiling ko. Hindi para sa ‘kin kundi para sa tita ko. Nalulungkot at nasasaktan ako para sa kanya, gayundin sa kaisa-isa niyang anak. At wala akong magawa para sa tita ko. Ang galing-galing ko sa ibang bagay, pero dito, sobrang tanga ko. Ang bobo-bobo ko. Wala akong alam. Wala akong kakayahan. Sobrang sakit.

Kakaranas lang namin na mawalan ng isang mahal sa buhay, tapos… eto. Umaasa na lang talaga ako ngayon sa himala.