Sotto for President

by Sankage Steno

Naniniwala akong malaki ang maitutulong ni Sotto sa pag-unlad ng ating bansa. Iisa-isahin ko ang mga magagawa niya sa ating bayan kapag siya ang nahalal na pangulo sa taong 2016.

Kapag si Sotto ang nahalal na pinakamataas na pinuno ng ating bansa…

  • Mas mapapadali ang paggawa ng research papers dahil hindi na kailangang mag-cite ng sources. Kung magiging madali ang paggawa ng research, mas dadami ito at mas marami ang maeengganyong manaliksik sa kung anu-anong paksa.
  • Mabubura ang pagiging makasarili ng mga tao dahil kahit anong maisip o maimbento nila ay malaya nang magagaya o makukuha ng ibang tao. Kapag nangyari ito, hindi na magiging mabigat sa loob ng bawat isa ang ibahagi ang kanilang kaalaman o mga bagong tuklas.
  • Mapapawalang-bisa ang batas sa intellectual property, kaya mas magiging maluwag para sa mga Pilipino ang mag-isip ng kahit anong bagay nang hindi nakakasuhan ng pagnanakaw sa ideya ng iba.
  • Kahit anong gawang-banyaga ay maaari nang angkinin ng kahit na sinong Pilipino. Kapag nangyari ito, magkakaroon ng kapangyarihan ang bawat isang ibenta ang imbensyon ng iba, lalo na yung mga likha ng malalaking kumpanya tulad ng Apple, Samsung, Toyota, 3M, at marami pang iba.
  • Mas magiging makabayan ang mga Pilipino dahil lahat ng gawang nasa ibang wika ay malaya nang maililipat sa Tagalog nang hindi nag-aalala sa copyright. Mas maiintidihan ng mamamayan ang kultura, tradisyon at kaalaman ng ibang mga bansa dahil may salin na itong lahat sa wika natin.
  • Tatapang ang bawat Pilipino dahil kapag inaaway tayo ng ibang bansa o kapag may bumabatikos sa atin, sa mga ipinakitang halimbawa ni Sotto, pwede na nating isawalang-bahala ito, kasuhan ng libelo o kaya naman ay tawagin silang mga papansin lamang.
  • Magkakaroon tayo ng matatag na Republika dahil sa dami ng mga bansang magagalit o kakalaban sa atin, siguradong paiigtingin ng pangulo ang ating sandatahang-lakas, mapipilitan ang bawat may kakayahan na sumanib sa militar at lalong paiigtingin ng pamahalaan ang pagkamakabayan ng mga Pilipino.

Bukod sa mga nabanggit ko sa taas, malaking tulong din ang magagawa ni Sotto upang maitaguyod ang buhay, lalo na ng mga hindi pa ipinapanganak o yung mga nasa semilya pa lang. Maipagbabawal ang condom, IUD, pills at kahit ano pang contraceptives na lalong magpapataas ng ating populasyon, na siyang magiging mga manggagawa natin sa hinaharap.

Mapapangalagaan din ang pagkainosente ng mga bata dahil mananatili silang walang alam sa sex at sa kanilang mga katawan habang sila ay lumalaki dahil ipagbabawal ang pagtuturo sa kanila ng mga mahahalay at maruruming araling dala ng sex education.

Kapag si Sotto ay nahalal, asahan natin ang patuloy na pag-unlad ng ating bansa. Pilipinas 2016, malapit na!