11/23

by Sankage Steno

Ito na ang pangatlong taon na hindi pa rin nabibigyang hustisya ang mga taong pinatay sa Maguindanao noong 2009, bago mag-eleksyon. At ngayong nalalapit na naman ang halalan para sa susunod na taon, mas matindi ang bigat na dala ng paggunita sa malagim na pangyayaring ito sa ating kasaysayan.

Sa 58 taong pinatay sa Ampatuan Massacre, 32 ang journalists, 6 ang napadaan lang, at lahat ay inosente. Bukod pa rito, pinagpapatay sila nang walang kalaban-laban. Mabuti sana kung digmaan ang nangyari, maiintindihan natin kung bakit ganun na lamang karami ang napatay sa loob ng isang araw… o isang oras. Pero walang digmaan!

Ano lang ang meron?

Isang araw na magpa-file sana ng certificate of candidacy ang isang nagnanais kumandidato. Yun lang. Dahil dun, at dahil na rin sa kulturang kinamulatan ng mga taong doon na lumaki at namulat, nagawa ng mga halang ang kaluluwang kumuha ng mga tauhan, gayahin ang mga corny na Pinoy action movies noon, at pinagpapatay ang mga inosenteng tao.

Inuulit ko ang mga pangyayari dahil parang gold fish ang mga Pilipino, maliit ang memory space. Ilang kindat lang, nakalimutan na. Kung bumagyo at bumaha ngayon, ‘pag umaraw bukas, nakalimutan na nating marami ang napinsala. Happy na ulit lahat. Well, kung sa bagay, isa tayo sa pinakamasasayang tao sa mundo. Minsan nga lang, nasa maling lugar na ang pagiging masayahin. Ayaw nang magseryoso.

At ang nangyari sa Maguindanao ay dapat seryosohin. Hindi sya maliit na bagay lamang na pwedeng palampasin, isulat sa history books, ituro sa mga bata, at gawing tanong sa mga trivia quiz show. Hindi ganun yun.

Kailangan pa ring maparusahan ang mga pumatay sa 58 biktima, lalo na ang pasimuno ng lahat. Kung sino man sya, dapat niyang pagbayaran ang mga buhay na ninakaw niya at sinayang. Sa ganitong mga pagkakataon, parang ang sarap ibalik ang lethal injection. Ngunit bago mangyari yun, ayusin muna natin ang sistema ng hustisya sa bansa, pabilisin ito, nang maparusahan ang mga taong tunay na nagkasala.

Sa una hanggang huli, hustisya pa rin.