Napahiya na naman

by Sankage Steno

Alam ko marami sa inyo ang magugulat kapag sinabi kong first time kong pumunta ng Boracay nung weekend. Edi kayo na! Kailangan ba ‘pag beach, Boracay agad? Mayabang ka rin e. Pasimple lang pero mayabang pa rin.

Nang-away talaga?

Sorry, war freak ang mode ko ngayon. Wala lang magawa sa buhay. Anyway, sobrang natuwa ako dahil, finally, nakapunta na rin ako sa tinaguriang World’s No. 1 Beach. Hindi ako nagsabi nyan, isang magazine. At kung ako ang tatanungin, kahit di pa ako nakakapunta sa ibang beach sa ibang bansa, masasabi kong may pangkabog naman talaga ang Boracay.

Pa’no ko kamo nasabi?

Pagdating ko dun sa beach ng isla, napa-wow na agad ako sa ganda ng buhangin at ng tubig. Tapos, papa-sunset pa nun kaya dagdag wow factor. Nasa pagitan pa lang kami nun ng stations 2 and 3, gandang-ganda na talaga ako.

Kinabukasan, napadpad kami sa Puka Beach, then lalo akong napa-wow. Para lang akong tanga na garang-gara sa mga bagong nakikita. Very turista lang talaga ang peg, ganyan. Nakatulong din na hindi masyadong marami yung tao sa beach, hindi peak season kaya hindi crowded.

Then, punta kami sa lugar kung sa’n may all-terrain vehicle. Pagkabalik namin from there, dun na kami nagpababa sa station 1. Ay, putek. Nakakahiya talaga. Akala ko nakita ko na ang best offering ng Boracay. Wala pa pala sa kalingkingan yung mga una kong nakita.

Nganga!

Yun talaga ang apt reaction ko pagkakita at pagkadama sa buhangin sa station 1. Napahiya ako nang todo dahil sa sobrang pagkaputi at pagkapino ng buhangin doon. Hindi ko na talaga kinaya. Kung wala lang akong hiya sa katawan, naghubo’t hubad na ako roon at nagpagulung-gulong sa buhanginan. Kaso may katiting pa akong hiya e. Sorry.

Sabi nga ng kaibigan kong kasama: “Nakaka-offend ang sand ng Boracay.”

Nakaka-offend naman talaga! Sobrang kagila-gilalas naman kasi ang kagandahan nya. Yes, O.A. lang ng mga description ko. Pampasira ng expectation sa mga hindi pa nakakarating doon. But no, maganda talaga, pramis!

Bukod pa sa pino at puti, malawak din yung shore. At ang isa pang magandang feature ng Boracay sands e hindi sya umiinit. Tirik na tirik ang araw pero hindi mapapaso ang talampakan mo kapag naglakad ka nang walang sapin sa paa. Hindi rin rough dahil parang naglalakad ka sa sandamukal ng Johnson’s baby powder. Panalo talaga.

Nakaka-miss tuloy agad. Kahit sabihin pa nilang overrated ang Boracay, marumi na, papangit na nang papangit, wala akong pake. Gusto kong bumalik dun. Sana in the near future magawa ko sya, at sana kasama ko na rin ang mahal ko. As in yung mahal talaga. Of course counted ang pamilya, pero ibang mahal ang sinasabi ko.

Boracay, I miss you. I’ll see you again someday. ‘Wag mo ‘kong iiwan. Andito lang ako lage. Susulat ka ha. Don’t forget to drink your medicine. And change your underwear every day. Wait, ano na ‘to? Ay, ambot!