Humayo kayo at magparami

by Sankage Steno

Ang sagot ko sa sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile sa article na ito.

Sa hinaba-haba at sa dinami-rami ng mga debate hinggil sa Reproductive Health bill, ngayon lang ako nakumbinsi na dapat talagang hindi maipasa ang panukalang batas na ito. Isang JPE lang pala ang makakapagpaniwala sa akin na hindi kailangan ng ating bansa ang RH bill.

Let me quote his argument:

Ang pinakamalaking export natin is OFW (overseas Filipino workers). Export iyan eh, kaya ako kontra ako sa RH dahil diyan. Ang magpapalago ng bansa natin ay iyong excess population natin na sinanay natin na tumatanggap ng mga trabaho abroad that others don’t want to handle.

Tama nga naman. Ang nagpapaangat ng ekonomiya ng ating bansa ay ang mga OFW. Following his line of thinking, ganito ang lumalabas: Kapag naipasa ang RH bill, maraming couples ang gagamit ng contraceptives. Bababa ang birth rate na magpapabagal sa pagdami ng populasyon.

Kapag kumonti ang populasyon, kokonti rin ang mga Pilipinong pwede nating ipadala sa ibang bansa para kumita ng dolyar at ipadala pabalik dito sa Pilipinas. Kapag kumonti ang dolyar na pinapadala sa atin, bababa ang ating ekonomiya.

Napakahenyo!

Bakit ba hindi ko naisip iyon dati pa? Dapat ngang magparami tayong mga Pilipino para marami tayong maipadalang domestic helpers at caregivers sa ibang bansa. Kailangan nating mag-anak nang mag-anak para maraming skilled workers ang maipapunta natin sa mayayamang bansa.

Ang essence ng pagiging Pilipino ay ang maging OFW, gamitin ang kakayahan sa ibang bansa, iwanan ang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas, payamanin lalo ang ibang bansa, basta laging nagpapadala ng napakaraming dolyar dito sa Pilipinas.

Salamat talaga, JPE! Dahil sa sinabi mong ‘yan, naniniwala na akong hindi dapat maipasa ang RH bill. Maniwala na lang tayo sa sinasabi ng mga pari sa mga bagong kasal: 

“Humayo kayo at magpakarami…” at gawing OFW ang mga anak balang araw.

IT'S A NO. Senate President Juan Ponce Enrile says whether his amendments are accepted or not, he will vote against the RH bill. Photo by Ayee Macaraig