For the rich and famous

by Sankage Steno

First time kong pumarty sa 7th High nung Wednesday last week dahil naimbitahan ako ng kaibigan ko, at para na rin mas maging active ako sa Couch Surfing. Nagkataon namang pupunta rin ang isa ko pang kaibigan na matagal ko nang di nakikita kaya naman go na go ako nung araw na ‘yon.

Pagdating namin sa venue, masaya naman. Impak, andaming mga sikat na artista na pumunta. Di ko alam na dun pala ang bago nilang tambayan ngayon. Or baka dahil nagse-celebrate lang ng second year anniversary yung club kaya naman dinumog sya ng mga bituin nung gabing ‘yon. Either way, basta maraming familiar faces na sa TV mo lang madalas makita.

Nung nagsimula ang program, pumasok na si Denise Laurel. Kailangan ko talagang banggitin ang pangalan nya dahil gusto ko sya. Isa sya sa mga showbiz personality na gusto ko, at hindi sila marami.

Anyway, part ng celebration e yung pamimigay ng premyo sa mga pumunta nung gabing iyon. Hindi naman ako umasa na makakakuha… fine, umasa ako nang konting-konti lang. Di ko naman kasi alam na may ganun pa pala. So, ayun. Abang-abang din sa pangalan at baka mabunot. Versace kasi na pabango yata yung premyo, tapos may nakita pa akong bag. Saka may lalagyanan yata ng iPhone.

As if naman may iPhone ako.

Nung tinatawag na yung mga pangalan ng nanalo, parang napatanga ako. Saglit lang. Bakit parang mga kilala ko yung mga tinatawag? Nope, di ko sila kaibigan at lalong di nila ako kilala. Pero kilala ko sila. Pa’nong di ko makikilala e yung mga nanalo nung gabing ‘yon e puro mga artista o TV personalities.

Hindi ko na babanggitin yung pangalan nila. Basta yung iba actress, singer, model, dating beauty queen, etc. Lahat silang mga sikat e nanalo ng premyo nung gabing ‘yon. Sa loob-loob ko lang, puro sikat at mayayaman ang nananalo ah. Planado ba ‘to? Bakit sila-sila pa ang nagbibigayan ng papremyo e can afford naman nilang bumili nun? Saka pa’no ba pinili yung nanalo? Nagbunutan ba?

Hindi ko naman sinira yung gabi ko nang dahil lang dun. Napatanong lang naman ako sa sarili ko saka dun sa kasama ko. Ang muntik na talagang sumira ng gabi ko e nung sumasayaw ako sa stage at pinababa ako ng bouncer kasi bawal daw.

Tapos nun, pumunta ako sandali sa banyo para umihi. Pagbalik ko, nakita ko na lang na sumasayaw on stage yung mga sikat na personalities. Ang masaklap, hindi sila pinapababa ng bouncer. So kailangan maging artista o sikat muna bago payagang sumayaw sa stage? Sige, mag-antay lang kayo. Magpapasikat din ako para makasayaw dyan balang araw!