Kahit masakit, ayos lang.

by Sankage Steno

Hindi pa rin ako fully nakaka-recover sa pagkatalo ng ating pambansang kamao, Manny Pacquiao. Mas madali sigurong tanggapin kung ang pagkatalo niya e dahil sa split decision, o kahit unanimous decision, sige, pwede pa. Pero yung patulugin siya ni Marquez for two minutes? Ang sakit lang.

Pero kahit masakit tanggapin na napatumba ang idol kong si Pacquiao, hindi naman nabawasan ang paghanga ko sa kanya. Idol ko pa rin siya at hindi yun magbabago. Sobrang ganda ng ipinakita ni Marquez at deserving siyang manalo. Pero deserving pa rin si Pacquiao na ipagmalaki ng bawat Pilipino.

Kaya naman dapat ngayon, lalo ngayon, na natalo si Pacquiao na damayan natin siya at patuloy na ipagmalaki bilang ating kampeon. Kung nakasama niya tayo sa kanyang tagumpay, di ba mas dapat at mas magandang makasama rin niya tayo ngayon sa kanyang pagkatalo?

Ngayon makikita kung sino talaga ang nagmamahal at humahanga kay Pacquiao.

At saka, pwede ba, ‘wag na nating isisi sa relihiyon ang pagkatalo niya. Walang kinalaman ang sariling paniniwala sa naging laban ni Pacquiao. Nakita naman natin kung pa’no naging agresibo ang dalawang boksingero. Pareho nilang ibinigay ang lahat. Ang ganda kaya nung laban. Nataon lang siguro na nakahanap ng tiyempo si Marquez at nakapagbagsak ng isang “lucky punch.”

Sabi nga ng kaibigan ko, “It’s the end of an era.”

Palagay ko tama siya. Ito na nga siguro ang simula ng katapusan para sa maningning na karera ni Pacquiao sa boxing, pero hindi naman ibig sabihin nun na hindi na siya kampeon at hindi na siya idolo ng maraming tao, lalo na ng mga Pilipino.

Baka naman nakalimutan na nating siya pa rin ang kaisa-isang may hawak ng walong titulo sa magkakaibang weight divisions. Wala pang ibang nakakagawa nun, at sa tingin ko naman e bibilang pa ng dekada bago may makatapat nun… kung meron man.

At saka sino lang ba ang nakakapaghatak sa lahat ng Pilipino para suportahan siya, na animo’y nakasalalay sa kanya ang kapalaran ng bansa? Wala pa akong kilalang buhay na nakagawa nun. Wala pang pangulo, artista o kahit na sinong nabubuhay na sikat na tao sa Pilipinas na may kaya nun. Si Pacquiao lang ang nakakapag-unite sa atin nang ganun sa panahon natin ngayon.

Hindi ko alam kung lalaban pa rin si Pacquiao matapos niyang matalo ng dalawang sunod, pero kahit ano pang maging desisyon nya, manalo man o matalo, sigurado akong siya pa rin ang susuportahan ko at ituturing na idolo.