Condom War

by Sankage Steno

Pagbobotohan na rin sa wakas ang RH Bill ngayong araw, at umaasa akong maisasabatas na ito. Huwag sanang magpadala sa takot ang mga mambabatas natin sa impluwensya at sulsol ng Simbahang Katolika.

Kakabasa ko lang ng statement ng CBCP hinggil sa napipintong pagdedesisyon sa panukalang batas na ito. Ito yung isang bahagi ng pahayag ni Most Reverend Jose S. Palma, D.D.:

Our society needs law to unite rather than divide. We need law to affirm and protect the truth about the dignity of the human person, who has been created in the very image of God; the sanctity of the family, the basic social unit which even our Constitution recognizes as the foundation of the nation; and the inviolability of the social institution of marriage, which the Constitution likewise recognizes as the foundation of the family.

Sang-ayon ako sa sinabi niyang kailangan ng ating lipunan ang mga batas na nagbubuklod sa atin, at hindi yung naghahati. Pero hindi ibig sabihin nun na hinati tayo ng RH bill. Para mo na ring sinabi na ang malayang pamamahayag at ang mga debate ay naghahati sa ating lipunan. Hindi po ganun yun.

Takot sa simbahan

Ang talagang naghati sa atin ay yung mga paniniwala natin, lalo na yung sa relihiyon. At pinangungunahan ito ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Dahil sa malawak nilang impluwensya, hating-hati ang ating sambayanan, lalo na sa ating Kongreso. Marami kasi ang takot sa simbahan, hindi sa Diyos.

Hindi ako sang-ayon na ang RH bill ay sumisira sa “dignity of the human person… sanctity of the human family… and the inviolability of the social institution of marriage.” Kabaligtaran pa nga e. Kapag naisabatas ang RH bill, mas mapoprotektahan ang dignidad ng tao, lalo na ng mga babae. Mas matuturuan din tayo tungkol sa ating katawan, pati na rin kung paano ito igalang, pahalagahan at pangalagaan.

Kaugnay nito, maaari ring mas mapahalagahan ang pamilyang Pilipino, dahil mabibigyan sila ng karampatang dunong at kaalaman sa pagpaplano ng pamilya, sa pagpapalaki ng anak at sa pagdedesisyon sa tamang laki ng kanilang pamilya. At sa tingin ko, kung kaya ng bawat Pilipinong buhayin ang kani-kaniyang pamilya, maiiwasan ang sirang pamilya o ang paghihiwalay ng mga mag-asawa.

Hindi condom

Kung sakali namang hindi maisabatas ang RH bill, maaaring lalo pang tumaas ang kaso ng HIV/AIDS, early pregnancy, mga namamatay na ina sa panganganak at mga batang walang makain o hindi makapag-aral sa bansa.

At para sa mga kontra sa RH bill, hindi lang po contraceptives ang hatid ng panukalang batas na ito. Hindi na ako magpapahaba pa. Magbasa kasi at turuan ang sarili.

Totoong hindi condom ang solusyon sa kahirapan, pero sino bang nagsabi nun? Ang labo lang ha. Edukasyon kaya ang solusyon, at isa yun sa mga ibabahagi ng RH bill kapag naisabatas na ito–ang edukasyon sa pagpapahalaga sa katawan at sa pagtataguyod ng pamilya.