Dear God

by Sankage Steno

Asan ka po? Bakit hinayaan mo pong mangyari yung massacre sa Sandy Hook Elementary School? Kala ko ba mahal mo ang mga inosenteng bata? Anyare? At di na ‘ko lalayo pa. Bakit mo rin po hinayaang mamatay yung libong tao sa Mindanao dahil sa Bagyong Pablo? Hindi ko na po isasama yung libo pang napatay dahil sa conflict doon.

Nasa Christmas vacation ka din po ba? Kapag ba namamahinga ang Diyos, hindi sya kumukuha ng reliever? Di ba po may angels ka? O yung mga banal kaya? Asan po sila? Nagpapasarap na lang po ba talaga kayo dyan sa langit? Nasa langit po ba talaga kayo? Teka, may langit nga ba?

Siguro busy ka lang. Andami rin kasing humihingi ng tulong. Baka na-overlook mo lang po yung mga pinapatay na bata o yung mga pamilyang binabayo ng hangin at ulan. Pero hindi naman kami puro hiling lang. Nagpapasalamat din naman kaming mga tao sa biyaya mo. In fact, malaki pasasalamat ko nang pumasa sa second reading ang RH bill. Finally!

So again, thank you po.

Back to reality. Nasa reality ka po ba? Baka kasi napunta ka na sa ibang dimensyon at doon nagpapakadiyos. Isa lang ba talaga ang Diyos sa sanlibutan? Hindi ba sobrang laki nun para pamahalaan ng isang “entity” lang? Baka kailangan mo na ng katulong para masolusyonan ang lahat ng problema sa mundo.

Mundo pa lang ‘yan ha. Pa’no pa yung sa buong universe? Hindi naman sa minamaliit kita, God. Idol nga kita e. You’re da man! Ay, mali. You’re da Son of Man! Pero baka naman kasi stressed ka na o kaya e overworked and underpaid. May tinatawag po tayong division of labor at leverage. Baka pwedeng i-delegate mo po yung ibang tasks para mas mapadali. Posible rin kayang gumawa ka pa ng isang Diyos? Walang imposible sa iyo, di po ba?

Nagkakasala na po ba ako sa mga pinagsasasabi ko? Pasensya na, God. Kung anu-ano tumatakbo sa isip ko. Ganun talaga. Tao e. Saka ginagamit ko lang naman po ang utak ko, kahit 10 percent lang nito or less. At least ginagamit.

Last question… Katapusan na po ba talaga ng mundo sa Friday?

Kung oo, please lang, God, gawin nyo pong spectacular. Dapat flashy, parang yung mga effects sa Final Fantasy, pero mas bongga! Kasi end of the world, tapos kayo pa God, dapat talaga ibang level yung huling sandali namin. Hindi naman po ako natatakot. Gusto ko lang po talaga ng magandang show at magandang kwento. Yun lang po.

Sige po. Bahala ka na po kung sasagutin mo ang sulat ko. Pasensya na sa abala. Mag-iingat ka po lagi. Galaw-galaw din, baka ma-stroke. Enjoy! Labyu!

Sumasaiyo,

Sankage Steno