Yuko sa Pari

by Sankage Steno

May kaibigan akong seminarista na kasama kong lumaki at nag-aral sa isang Catholic School noong bata pa kami. Nagkita-kita kasi kami nung weekend at kung anu-anong topic ang napag-usapan namin hanggang sa mapunta na nga sa relihiyon, faith at yung mga taong involved sa field na yun.

In fairness sa pag-uusap naming magkakaibigan, na nagsimula ng 10 p.m. at natapos ng 3 a.m., ang dami kong natutunan at nalamang bago. Katuwa lang.

Una, nagulat ako sa sinabi ng seminarista kong kaibigan na nung bumalik daw sila sa school kasama ang mga pari para sa isang dinner celebration, todo-silbi raw sa kanila ang mga madre. Samantalang nung nag-aaral pa kami e sobrang takot namin sa mga madre. Ngayon biglang nabaligtad.

“Very patriarchal,” sabi ko na lang.

Tapos bukod sa pinagsisilbihan sila ng mga madre, na kulang na lang yata e subuan sila, kung ano raw yung sabihin o i-suggest ng mga pari e aaksyunan agad, like yung pagkakaroon ng katekistang estudyante. Samantalang kapag estudyante o magulang ang humihiling, pahirapan. Kung anu-ano pang proseso ang pinagdaraanan. ‘Pag pari, ah walang prose-proseso, aksyon agad!

Sport Psychology

At dahil sobrang haba nga ng kwentuhan namin, napunta rin ang usapan kay Manny Pacquiao. Of course, may kanya-kanya kaming opinyon kung bakit sya natalo, hanggang sa mapunta na naman sa relihiyon. Sabi ng kaibigan ko na basketball player din, napag-aralan daw nila nung college yung tungkol sa sport psychology.

Hindi raw religion per se ang dahilan kung bakit natalo si Pacquiao, pero may effect daw yung pagsa-sign of the cross nya at pag-attend ng Holy Mass tuwing may laban siya. Kapag daw kasi may nabago sa routine ng isang atleta, nakakaapekto yun sa behavior nya kapag lumalaban. Kaya nung hindi na nagkukrus at nagsisimba si Pacquiao, sa sulok ng kanyang utak ay may pinipigilan syang dati na nyang nakagawian.

Yun daw e minor distraction na sa isang laban ay pwedeng makaabala nang di mo namamalayan.

May point nga naman, at medyo convincing sya. Kasi di ba may mga atletang kung anu-ano ang mannerism bago mag-shoot ng bola o humampas ng baseball o lumangoy sa pool o tumakbo sa track. Yung iba nga may mga lucky items pa sa katawan. Kasi raw mahalaga yun sa pagkondisyon ng utak nila, na kapag nawala o natigil, nagiging balisa yung utak, kahit pa mild lang.

At yung minor error na yun e malaki ang epekto minsan sa laban. So pwede ngang dahil hindi na nagkukrus si Pacquiao o nagsisimba kaya sya natalo sa laban. May nakasanayan kasi syang gawain na ngayon e pinipigilan na nyang gawin sa tuwing lalaban sya.

Pwede-pwede.