Divorce Naman Daw

by Sankage Steno

Akala mo naman susulat ako ng tungkol sa Pasko? Hindi kaya. Tapos na ‘yon. Yes, napaka-Grinch ko lang ngayong araw. Parang hindi nakatanggap na regalo ah. Pero ‘wag ka, may nagbigay pa rin sa akin ng aginaldo kahit pa matanda na ‘ko at nagtatrabaho na. Kumita pa rin ako ng P1k kahapon.

Teka, sabi ko hindi ako susulat ng tungkol sa Pasko ngayon, so let me get to my topic.

Dahil naipasa na sa Kongreso ang RH bill, magiging RH law na ito ‘pag napirmahan ni PNoy. Magandang Christmas gift sa ‘ting mga Pinoy ito, pati na rin yung sa Sin Tax law. Very good, Mr. President. Well done! Andami mong kinalaban pero lahat sila napataob mo. You already!

Sunud-sunod

Tapos, sabi ni Belmonte, baka pag-usapan na rin daw yung tungkol sa divorce bill. Syempre, react agad ‘tong mga taga-Simbahang Katolika. Nangyari na kasi yung kinatatakutan nila, na simula lang ang RH bill at sunud-sunod na raw ang mga batas na anti-life at anti-God.

Oh well, ayoko nang makipagdebate.

Pagdating sa divorce, hindi ako sigurado kung go na go na ako dyan. Hindi pa rin ako convinced masyado. Kasi naman, bakit ka magpapakasal sa isang tao kung alam mong hindi mo naman pala kayang mag-commit for life? Hindi ba dapat matagal pinag-iisipan ang mga ganyang bagay bago pinapasok?

Magkasama sa Bahay

Oh well, hindi naman lahat nag-iisip bago gumawa ng desisyon.

Saka maiiintindihan mo rin naman yung ibang mag-asawa, na kapag nasa ligawan stage e sobrang bait at puro magaganda lang ipinapakita sa isa’t isa, pero kapag nagpakasal na at magkasama na sila sa bahay, dun pa lang makikita ang mga tunay na ugali. Na yung lalaki pala e nananakit o nambubugbog at yung babae naman e bungangera at puro verbal abuse. Mga ganung bagay ba.

Tapos andyan din yung mga nangangaliwang asawa. Naku, e mahirap talaga yun. Yung mga taong hindi pa rin maiwan-iwan yung buhay-binata o -dalaga. Ang masama pa nito, baka pati anak e madamay sa problema nilang mag-asawa.

Kawawang Anak

Kawawa talaga ang mga anak. Sila kasi lagi ang pinakainosente sa sigalot pero nagsa-suffer pa rin nang todo. Tapos napaka-helpless pa nila sa ganung sitwasyon. Hindi talaga maganda. Ang kaso lang, kapag naman hindi naghiwalay, baka lalo lang lumaki ang problema. Ganun din ang ending, kawawa ang anak.

Sana nga masimulan na ang debate sa divorce bill para malaman ko na ang argumento ng bawat panig, although, to be honest, ngayon pa lang e parang very open yung utak kong ma-sway ng mga pro-divorce. Ayokong magsalita nang tapos, syempre naman, kaya hintay-hintay  na lang din.

Wish ko lang na huwag abutin ng dekada na naman yung debate tungkol dito. Kahit mga nine years lang pwede na. Ay, susmaryosep!