Doon kung saan nilimot na ang karamdaman

by Sankage Steno

Nabulabog ang buong Alicia Street isang hapon dahil sa isang matabang batang lalaki. Nagwawala, umiiyak at humahabol ang batang lumba-lumba sa dalawang babaeng nakagayak at paalis papunta sa kung saan.

“’Wag n’yo ‘kong iwan! ‘Wag n’yo ‘kong iwan!” sigaw ng batang lalaki na parang kinakatay na baboy sa sobrang ingay.

Alam ng batang pinagtitinginan siya ng mga kapitbahay at mga kalaro niya sa paligid. Hiyang-hiya naman ang kanyang lola na pilit siyang pinapaamo at pinapabalik ng bahay. Sa kalaunan, napabalik din ang bata sa kanilang bahay… sa tulong ng isang pamalo.

Ako ang matabang batang iyon.

Nangyari ito noong dekada ’90. Hinahabol ko ang dalawa kong tiyahin na papunta yatang Maynila. Sobrang nakakahiya ang pangyayaring iyon, pero wala akong pakialam noon kahit pa pagtawanan ako ng mga tao sa amin. Laki ako sa aking lola at mga tita. Pareho kasi noong nagtatrabaho ang mga magulang ko sa Kalakhang Maynila at lingguhan lang kung umuwi sa amin sa Bulacan.

Hindi gaanong malinaw ang alaala kong ‘yon. Hindi ako sigurado sa tunay na destinasyon ng dalawa kong tita, at hindi ko rin alam kung bakit gano’n na lang ang aking paghabol. Basta ang nasisiguro ko, iyon ang isa sa pinakaunang alaala ko ng aking kabataan, at iyon din ang isang mahalagang alaala ko ng isa sa aking mga tiyahin, si Tita Owie.

Dekada ’90 pa rin, usong-uso noon ang pager. Bago pa magsidatingan ang mga cellphone at tablet, ito muna ang “In.” Operator dati ang tita ko, at sobra ang paghanga ko noon sa kanya dahil sa kanyang trabaho. Umabot pa sa puntong pinangarap ko ring maging operator. Tuwing uuwi siya sa bahay, gustung-gusto kong hinahawakan at kinakalikot ang kanyang pager na madalas nakasabit sa may sinturunan ng kanyang pantalon.

Tapos sa kursong Mass Communication ang tita ko. Ako naman ay nagtapos sa kursong Journalism, na napapasailalim naman sa College of Mass Communication. Hindi ko man aminin noon, alam kong isa siya sa mga dahilan kung bakit ito rin ang napusuan kong kurso sa kolehiyo. Hindi nga lang ako nauwi sa pagiging operator, pero hindi rin naman imposibleng maging call center agent ako balang araw. Bakit hindi?

Taong 2007 nang biyayaan si Tita Owie ng isang anak na lalaki. Ang cute-cute ng anak n’ya, pramis! Ang puti-puti saka ang sarap panggigilan.

“Ikaw ninong ng anak ko, ha?” sabi sa ‘kin ng tita ko.

Sobrang tuwa ko lang. Bukod kasi sa sabik akong maging ninong, itinuring kong karangalan ang mapili at pagkatiwalaang maging pangalawang magulang ng kanyang anak. Siyempre, hindi ako tumanggi. Hanggang ngayon, sobrang pinaghahandaan ko ang Pasko para sa aking inaanak. Kung kaya rin naman ay nagbibigay ako tuwing sasapit ang kanyang kaarawan.

Isang taon mula no’n, nagwagi naman ako ng malaking halaga sa isang game show sa TV. Sobrang saya ko no’n. At lalo akong sumaya nang maramdaman kong sobrang saya rin ng mga mahal ko sa buhay. Jackpot talaga!

Malaking bahagi ng salaping napanalunan ko ay ginamit para mapagamot si Tita Owie na noon ay napag-alamang may dinadalang karamdaman. Maluwag sa kalooban kong ibinigay ang pera. Bakit ko naman ipagdadamot? Bukod sa mabuti ang paggagamitan, buhay ng tao ang pinag-uusapan dito, at buhay ito ng isang taong bahagi ng aking malaking pamilya.

Fighter ang tita ko, tulad ng iba pang mga babae sa aming angkan. Bumuti ang lagay niya, at nakabalik siya sa trabaho matapos maoperahan.

Hindi naman ito naging permanente dahil matapos ang ilang taon, napirmi rin siya sa bahay sa piling ng kanyang anak. Ibinuhos niya ang kanyang oras sa pag-aalaga sa kanyang unico hijo at sa ganap na pagpapagaling. Kapos man sa salapi ay pilit iginagapang ng aming pamilya, lalo na ng aking lola, ang gastusin para sa pagpapagamot ng tita ko.

At dahil matagal nang ubos ang napanalunan kong pera, nahihiya na naiinis ako sa sarili dahil wala akong maitulong.

“Anong araw na?” tanong ni Tita Owie sa Mama ko nang magbakasyon ang huli noong nakaraang buwan, halatang sabik na sabik siya sa pagdating ng Pasko. Sa katunayan, humiling pa siya kay Mama ng buko pandan na handang panghimagas para sa araw na ‘yon.

Sumapit ang Pasko at natikman niya muli ang buko pandan. Binigyan ko naman s’ya ng regalong blouse na kulay brown. May nakasulat ditong pahayag na “Never give up.” Natuwa naman s’ya, sa tingin ko. Pero napansin kong mas natuwa siya dahil sa dami ng regalong laruan at pera na natanggap ng kanyang anak.

Kagabi, bisperas ng bagong taon, abala ang lahat sa paghahanda para sa pagsasara ng 2012 at pagsapit ng 2013. Nagyaya si Tita Owie na mamasyal sa labas ng bahay. Sinamahan ko naman s’yang maglibot sandali sa aming bahagi ng Alicia Street kahit pa tanghaling tapat at nakatirik ang araw. Nang magsawa ay bumalik na kami sa bahay at inihatid ko pa s’ya hanggang sa kanyang kwarto.

Kinagabihan, habang nagpuputukan na sa labas at malakas na nagkakantahan ang lahat sa videoke, umalis na naman si Tita Owie.

“’Wag mo ‘kong iwan! ‘Wag mo ‘kong iwan!” sigaw ng isang babae na parang kinakatay na baboy sa sobrang ingay.

Hindi pa man pumapatak ng alas dose ang orasan ay parang bagong taon na sa loob ng bahay namin dahil sa lakas ng sigawan ng aking mga kaanak. Nagwawala, umiiyak at humahabol ang lahat kay Tita Owie. Kahit pinagtitinginan ng ilang kapitbahay, wala pa rin silang pakialam.

Hindi ako sigurado sa tunay na destinasyon ng aking tita, pero ramdam at alam kong ang lugar na ‘yon ay nilimot na ang kanyang karamdaman. Sa pagkakataong ito, hindi ako humabol… Hindi na. Hindi na babalik si Tita Owie.