An Interview with the Angel of Death

by Sankage Steno

Sankage Steno: Um… Mabuhay?

Angel of Death: Mamatay!

SS: Ay, sorry. Nagdadalawang-isip nga po ako kung anong ipambubungad kong bati sa inyo. Mamatay po kayo!

AD: Marami ngang nagkakamali dyan, pero di bale. Mamatay ka rin!

SS: Ay, ‘wag naman po. Kakalibing lang po namin sa Tita ko, saka dalawang beses po kaming namatayan nung 2012. Ayoko namang may sumunod agad. At lalong ayokong ako yung sumunod. Marami pa po kasi akong adventure sa buhay na hindi pa natatapos.

AD: Daming sinabi. Bati lang naman yun. Nothing personal.

SS: A, ganun po ba? He he! Kumusta nga po pala kayo?

AD: Eto, medyo busy. Ang daming customer last month. Kung san-san nga ako napadpad. Pakyawan sa U.S., dun sa may elementary school doon. Grabe, pabata nang pabata mga customer ko dun sa bansang yun. Tapos bago yun, dito ako sa bansa nyo, dun sa Compostela Valley, madami rin dun. Salamat kay Pablo. Tapos sa Middle East, sa Syria, sus, sangkatutak ang nilimas ko dun. Marami pa sa Arab Spring na yan ang susunod.

SS: Hindi po ba kayo nakokonsensya sa ginagawa nyo?

AD: Ano yung konsensya?

SS: Ano po, yung parang boses sa utak nyo na nagsasabi kung masama yung gagawin o ginagawa nyo. Wala po ba kayong ganun?

AD: Ano yung utak?

SS: Ano po, um… yung nasa ulo nyo. Yung ginagamit nyo kapag nag-iisip.

AD: Wala akong ulo. Kalawit gusto mo?

SS: Ay, di po. Sige, change question na lang po.

AD: Sige, fire away.

SS: Bakit po kayo pumapatay? Di ba po masama ang pumatay?

AD: Brad, trabaho lang, walang personalan. Sa tingin mo ba nag-eenjoy ako sa ginagawa ko?

SS: Opo.

AD: May tama ka! Nag-eenjoy nga ako. Hindi naman ako tatagal sa propesyong ito kung hindi ko gusto. Saka ako lang ang naka-meet ng qualifications para sa position na ‘to kaya no choice din ako! Pero no regrets, dude. No regrets.

SS: Ga’no katagal nyo na po bang trabaho ang pagpatay?

AD: Mga 500 years na rin.

SS: 500 pa lang? E ang tanda na po ng mundo a?

AD: Oo, alam ko. Nag-resign kasi nung Dark Ages yung isang anghel at ako yung pumalit.

SS: Bakit po sya nag-resign?

AD: Nabwisit sa mga relihiyoso noon. Panay ang pagpatay sa ibang mga tao. Lahat na lang ng babaeng makita, tinawag na witch. Lahat na lang ng hindi sumunod sa “salita ng Diyos” pinasunog nila. Marunong pa sila sa anghel ng kamatayan, kaya, ayun, pinadalhan niya ng salot bago siya tuluyang nag-resign.

SS: A, ganun po pala nangyari noon. Medyo naaalala ko nga yun sa History class ko nung high school.

AD: History?

SS: A, ano yun, mga kwento naming mga tao na nangyari na. Kinukwento ulit para kumita yung mga teacher, mga historian, mga pulitiko, etc. Saka para hindi na rin namin maulit at makalimutan. Pero ang hirap ngang tandaan lahat, saka paulit-ulit din naman kung minsan. Naiiba lang yung pangalan saka date.

AD: Ako hindi nakakalimot.

SS: Talaga po?

AD: Oo naman. Naalala mo pa ba nung hinagisan mo ng bato sa ulo yung amain mo nung bata ka pa?

SS: Ha?

AD: Kita mo na. Ikaw nga nagpasimula ng Angry Birds e. May nakakitang Kano sa ginawa mo, kaya nung bumalik sya sa U.S., sampung taon ang ginugol nya para mabuo yung game na yun.

SS: Talaga? Dapat pala milyonaryo na ‘ko ngayon a.

AD: Tama!

SS: E teka, maiba po ako. Alam nyo po ba kung kelan mamamatay ang lahat ng tao sa mundo?

AD: Lahat ng tao, lahat ng hayop, lahat ng halaman, lahat ng cells mo sa katawan, lahat ng single-celled creature sa planeta nyo, lahat ng bituin sa langit, lahat ng kometa, lahat ng pwedeng matapos, alam ko kung kelan.

SS: Wow! Ang dami nyo po palang alam. Ang lakas po ng powers nyo.

AD: Di naman. Sabi nga ninyong mga tao, “It’s in the blood.” Pero wala akong blood.

SS: E kelan po ako mamamatay?

AD: Hindi ko pwedeng sabihin.

SS: Bakit hindi?

AD: Bawal yun.

SS: Sinong may sabi?

AD: Makakating labi.

SS: Bababaero?

AD: Bababaero daw ako.

SS: Randy Santiago, ikaw ba yan?

AD: Sankage Steno, ikaw ba yan?

SS: Corny na.

AD: Kalawit gusto mo?

SS: Ay, joke lang. Kayo naman, di na mabiro.

AD: A gusto mo ng biro? Sige, pagbibigyan kita. Baril ka ba?

SS: Bakit?

AD: Ang lakas kasi ng putok mo. BOOOM!!!

SS: Ha ha ha!

AD: Parang pilit ang tawa mo.

SS: HA HA HA!

AD: Fine, pwede na yan.

SS: Kalawit ka ba?

AD: Bakit?

SS: KALA mo kasi WIT-ty ka.

AD: Kalawit gusto mo?

SS: Joke lang! Joke lang! Eto naman, makikipagbiruan tapos mapipikon. Ibahin na nga lang natin ang usapan.

AD: Flip Top!

SS: Seryoso ka?

AD: Mukha ba kong nagbibiro? Gusto ko yun e! Nakakalibang panoorin sa YouTube! Saka ang gagaling mag-isip nung mga Pinoy rapper.

SS: Fine, sige, mauna ka. Mag-iisip muna ako.

AD: OK. Yo! Yo! Makinig kayo sa kin mga putangina NINYO! Akala mo kung sino kang magaling e mukha ka namang GAGO! Wag ka ngang lumapit sa ‘kin, umaalingasaw ang putok mo, TOL! Sa sobrang lakas ng anghit mo, tol, ang tawag na dyan BAKTOL! Sa tindi ng amoy mo, daig mo pa ang patay na DAGA! Wag kang lalapit sa kin at baka masipa kita sa MUKHA!

SS: Pwede, pwede. O, ako naman. Hoy, kamatayan, tantanan mo nga akong tarantado KA! Hindi porket may kalawit ka e makakapaghari-harian ka NA! Pero, saglit, teka lang, kahit pala wala yang kalawit MO! Mamatay pa rin lahat sa mukha mong parang puwet ng KABAYO! Yah! tigidig, tigidig, tigidig, isa kang tigidig na tinubuan ng PISNGI! Umuwi ka na sa nanay mo at magtago sa kanyang PANTY!

AD: Namemersonal ka na a! Kalawit gusto mo?

SS: Easy lang, brad! Flip Top lang, walang personalan.

AD: Dami mong alam. Baka maging angel of death ka rin balang araw.

SS: Pwede po bang ngayon na?

AD: Tarantado ka rin no? Gusto mo pa kong tanggalan ng trabaho. Mahirap buhay ngayon. Di basta-basta nakakahanap ng matinong trabaho.

SS: Nahihirapan din po pala kayo sa buhay. Hanep a.

AD: Figuratively speaking, yes.

SS: What’s your greatest fear?

AD: Nasabi ko na. Ang mawalan ng trabaho.

SS: Define love.

AD: Slam book ba to?

SS: Sige na. Humor me.

AD: Love is when you die for somebody else..

SS: Wow, ang lalim. Who is your crush?

AD: Pati ba naman yan? Teka, recorded ba to?

SS: Sa blog ko lang po.

AD: OK. Crush ko talaga noon pa si Coco Martin.

SS: Babae po pala kayo?

AD: Hindi no!

SS: Lalake ka? Edi bakla po kayo?

AD: Hindi rin no!

SS: E ano po kayo?

AD: Angel of Death. Wala akong kasarian. Kahit sino tinatalo ko. Kahit sino, kahit ano, PWEDE!

SS: Wow, ang sarap naman.

AD: One of the perks of the job.

SS: Ay, Kamatayan, umiilaw po yung kalawit nyo.

AD: Naku, time to work na naman.

SS: Aalis ka na po?

AD: Oo, kailangan e.

SS: Marami pa po akong tanong.

AD: Next time na lang. O kaya, iwan mo na lang dyan sa comment box mo.

SS: Last message na lang po bago nyo po kami kalawitin balang araw.

AD: Mabuhay!