Montage ng Buhay

by Sankage Steno

Inspired by Steve Cutts’ In the Fall.

Mamamatay ka na. Anu-ano ang mga pinakamaningning na bahagi ng iyong nakaraan ang mapapanood mo habang hinihintay ang iyong katapusan?

1987. Nakuha ko ang aking pangalan mula sa aking ama at ina. Iniluwal akong Pilipino sa Maynila.

1988. Naudlot ang pagdiriwang ng una kong kaarawan dahil ipinanganak ang kapatid ko isang araw bago ang aking kaarawan.

1989. Tumira ako sa Kamaynilaan at sa Bulacan. Panay ang laro ko, at panay rin ang paglalaro, pagpapasa-pasa, pamimisil sa akin ng mga kamag-anak ko.

1990. Nasa sala ako kasama ang buong pamilya habang nagsasayaw ng tinikling ang dingding, pader, sahig at lahat ng bagay sa paligid.

1991. Tuwang-tuwa ako dahil, sa unang pagkakataon, naranasan kong maglaro sa labas habang umuulan ng “nyebe.” Nagtaka lang ako dahil hindi ito gaanong maputi.

1992. Gusto kong maiyak dahil iniwan ako ng aking lola sa loob ng silid-paaralan kasama ang iba pang batang hindi ko kakilala. May matandang babae sa harap na panay ang salita  na hindi ko naman maintindihan.

1993. Pinagtatawanan ako ng mga kaklase ko dahil lagi kong nasisira ang sahig ng aming pinagtagpi-tagping silid. Sa sobrang bigat ko, bumubutas ang paa ng upuan sa sahig na yari lamang sa manipis na kahoy.

1994. Nainggit ako sa mga kaklase kong umaakyat ng altar sa simbahan kasama ang magulang para kumuha ng parangal sa kanilang pagtatapos sa kindergarten.

1995. Takot na takot akong magkamali sa mga pagsusulit sa paaralan kaya dinadaya ko at iniiba ang sagot sa papel kapag itinatama na ito ng lahat matapos masagutan.

1996. Bakasyon, walang magawa. Nagtataguan kami ng kapatid ko sa aming bakuran kahit kaming dalawa lang naman ang kasali sa laro.

1997. Para akong masusuka sa kaba dahil pinilit kong sumali sa palakasan sa paaralan kahit pa hindi naman ako talaga naglalaro ng kahit anong pampalakasan.

1998. Kinaibigan ko ang isang malikot ang kamay at kaaway ng marami sa pag-aakalang may magagawa akong mabuti para sa taong ito. Nanakaw ang salaping pondo ng aming klase na nasa pag-iingat ko.

1999. Nahumaling ako sa kapareha ko sa laro. Muling naibalik ang pagkakaibigan ko at ng isang gurong nakasamaan ko ng loob dati.

2000. Umakyat na rin ako sa entabaldo kasama ang magulang sa aking pagtatapos. Naging kaibigan ko ang mga taong dati ay hindi pinapansin sa paaralan.

2001. Binawi ng Diyos sa isang iglap lang ang isa sa pinakamahalagang tao sa buhay ko.

2002. Tinamaan ako ng lintik sa una kong pag-ibig.

2003. Kinolekta ko ang mga pahinang di nagamit sa kwaderno, pinagsama-sama, at ginawang bagong kwaderno.

2004. Naging “Iskolar ng Bayan.”

2005. Nabuo ang isang grupo ng mga magkakaibigang pinatibay pa lalo ang samahan nang dahil sa isang inuupahang bahay na naging pugad ng away, tampuhan, kasiyahan, lokohan, ingay, galit, talino, lihim, saksakan sa likod at marami pang iba.

2006. Pinilit magpasikat sa dagat ng mga marurunong, mahuhusay, matatapang, matatalino, magagaling at matagumpay.

2007. Umibig, inibig, dumating, inalis, bumigo, binigo.

2008. Nagtapos sa kolehiyo nang maluwalhati. Nagwagi sa isang paligsahan sa telebisyon. Ginamit ang salapi sa napakaraming bagay na hindi para sa akin. Kumita sa unang trabaho. Nalathala muli sa pahayagang pinagtatrabahuhan.

2009. Gabi-gabing naglalagi sa mga bahay-inuman at sayawan. Natutong buhayin ang gabi at sulitin ang pagkabata habang bata pa.

2010. Naging malaya na rin sa wakas!

2011. Nagturo at umani ng maraming kaibigang mag-aaral. Naglakbay sa kung saan-saang panig ng bansa kasama ang mga kaibigan, katrabaho, di kakilala, minsan nang nakilala at, siyempre pa, ang aking sarili.

2012. Binawian ng dalawang kaanak. Nagpasikat sa Internet. Pinasaya ang pamilya sa isang biyahe. Iginapang ang kaarawan ng kapatid. Lumipat sa bagong trabaho. Umasa sa bagong pag-ibig.

2013. Itutuloy…