A Taste of Gold

by Sankage Steno

Nakatikim ka na ba ng ginto?

Ako? Syempre oo! Mayaman ako e. Ginagawa ko nga syang appetizer or pulutan. Minsan naman kapag walang magawa yung bibig ko, namamapak ako ng ginto na parang mani lang. E wala, ganun talaga kapag pinagpala ka ng Poong Maykapal.

At talaga rin naman makapal ang mukha kong ipangalandakan dito ang malaking kasinungalingang ito. Hindi ako pinag-aral sa mga madre para maging sinungaling na tao. Although not all naman ng sinabi ko ay pawang kasinungalingan lamang. Part of it is true.

Hindi totoong mayaman ako at syang tanging pinagpala ng Diyos, pero totoong nakakain na ‘ko ng gold. Kapag kasi may coverage ako sa mga event, at nataong ang event ay ginawa sa isang hotel, minsan yung pagkaing hinahain nila dun e may halong ginto. 

Pramis! Pwera biro.

Yung kanina sa Raffles Hotel sa Makati City, yung dessert nilang mango cheesecake e may design na tatlong mango balls na maliliit sa ibabaw, tapos yung nasa gitnang ball e may accent ng gold bit o powder. So nakain ko sya. Ayun.

Tapos after nung press conference, meron na naman silang sinerve na cocktail drink. They call it Makati Luxury Sling, patterned after Singapore Sling sa, well, Singapore City, Singapore. Lintik ‘yan o, puro Singapore. Yung drink e ginaya lang ng Raffles natin. Ayos, di ba? Gaya-gaya lang.

Yung gin-based drink na ‘to e may foam sa top na galing sa Angostura bitter, na syang salt and pepper daw ng mga drinks. Sa ibabaw naman nung bitter na pagkabangu-bango e meron na namang gold powder na mas marami kesa dun sa kanina. Sosyal! Tinataktak na lang ang ginto ngayon sa Pilipinas!

Cute Waiter: How was your drink, sir?

Sankage Steno: It’s really great. It’s a little bit sweet, tangy and bitter.

Cute Waiter: Yeah. It needed more shaking, though. We couldn’t do it because there was an interview going on. We could only stir it quietly.

Sankage Steno: What’s in it?

Cute Waiter: It’s gin-based blah, blah, blah. The foam on top is from Angostura bitters blah-blah-blah. And it has 22-karat gold. That’s why it’s called Makati LUXURY Sling.

Sankage Steno: (Nganga!)

Muntik na ‘kong bumula sa narinig ko. 22-KARAT GOLD?! Ilang minero kaya ang namatay para sa ininom kong ‘yon? Ayokong malaman! At para sa mga minerong naghirap, nagpakasakit, nagsakripisyo, at patuloy pang naghihirap, nagpapakasakit at nagsasakripisyo para magkaroon tayo ng gold sa pagkain at inumin, humingi pa ulit ako ng isa.

Bakit ba? Minsan lang yun. Inaalay ko naman sa kanila yung kinain at ininom kong ginto.

CHEERS!