Pa’no kita magiging crush?

by Sankage Steno

Nasayang yung P160 ko sa pagbili ng libro ni Professor Ramon Bautista, yung Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo? Pero hindi naman nasayang ang oras ko.

Kasi ba naman, ang nipis lang nya saka ampangit pa nung papel. Anlaki siguro ng tubo ng Psicom sa pag-publish nun. If I know baka P10 lang talaga production cost nung libro, tapos tubo nila yung P150. OK din pala negosyo yung libro ha, kahit konti na lang ang nagbabasa sa panahon ngayon.

Nasulit ko naman yung pagbabasa. Pinilit kong hindi basahin sa National Bookstore dahil, for sure, matatapos ko sya nang hindi binibili. Sayang din naman yung kikitain ng mga taong nagpakahirap para mailabas yung libro. Dagdag swerldo rin yun kay RB.

Natawa naman ako. Very U.P. ang mga sagot ni RB sa formspring account nya; meaning, critical, straight to the point, maangas at higit sa lahat, witty. Ang galing talaga ng mga taga-U.P. Pero di ko nilalahat ha. Marami ring kwestiyonable ang pagkakapasa sa UPCAT. Or baka transferee lang sila from another school? Di ko alam. Wala na ‘kong pake dun.

At dahil sobrang yabang-yabang ko bigla, itotodo ko na.

Dahil sobrang talino ko na, natuwa akong may natutuhan akong bago sa pagbabasa nung BHKCnCM? Nadagdag sa bokabularyo ko yung ‘abangers.’ Kung ano yun? Bili na lang kayo ng libro o itanong nyo kay RB mismo. I realized na ganun pala ako, abanger. Although hindi naman ganun katerible. Uy, bawi-bawi din.

Tapos nalaman ko ring sobra ang pagpapahalaga ni RB sa edukasyon. Well, siguro dahil prof sya. And I understand where he’s coming from. Nakakatuwa lang na sa mga “bastos” nyang banat e andun pa rin yung “conservative” na pananaw sa pag-aaral, maging sa relationship at sa sex. Pero kahit medyo “conservative,” pansin mo pa ring very open-minded sya.

Iba talaga kapag sa U.P. ka nag-aral.

Sana lang sa susunod na maglabas sya ng libro e yung mas sulit na sa halaga nya. Sana kasi pinambili ko na lang ng Trese yung pera ko. At least yun, kahit konti lang yung mababasa, e sulit pa rin sa graphics. Komiks kasi yun. Maganda pa lagi yung mga kwento. At higit sa lahat, very Pinoy.

I’m sure isa sa mga gumawa nun, U.P.

So, as for the answer to the title of this post… pa’no nga ba? Clue: Two letters.