Longganisa Unli

by Sankage Steno

Nahihiya man akong aminin, aaminin ko na.

Paborito ko talagang ulam of all time, for all seasons, saan man sa mundo, ang longganisa. Bata pa lang ako, basta yun ang ulam, nakakatatlong plato ako ng kanin. Noon lang naman. Ngayon hanggang dalawa na lang. Ayoko kasing masira ang napaka-macho/hunk kong katawan. Masisira ang “abs” ko.

E nitong nagdaang weekend, napadala ako sa Ilocos Norte para sa coverage ng 1st International Paoay Regatta. In fairness sa Ilocos, ang ganda nya. Nawala pansamantala sa isip kong dito ang turf ng conjugal dictators na sina Ferdinand and Imelda Marcos. Pansamantala lang naman. Hindi dapat mabura sa isip nating mga Pilipino ang madilim na nakaraan na yun sa ating kasaysayan.

Almusal

So yun nga, andun ako. Pagdating na pagdating ko pa lang sa Plaza del Norte, sinalubong na agad kami ng masarap na almusal: longganisang Ilokos! Panalo, sabi ko sa sarili ko. E paborito ko pa yung flavor kasi bawang, although gusto ko rin naman yung matamis na variety.

After kumain, punta na sa trabaho. Cover-cover din ng event. Nung mananghali na, punta kami sa Johnny Moon Cafe. Nakakatuwa yung kainan na yun, inspired by Juan Luna, hence the name. Guess what kung ano hinain sa ‘min dun? Longganisa!

Hulaan mo hapunan? ‘Wag na lang.

Hindi pa naman ako naumay sa longganisa, saka may kasama naman syang ensaladang talong. Natikman ko na rin sa wakas ang poqui-poqui! Tapos nakakain din ako ng saniata o yung dragon fruit ice cream na ansarap-sarap din. Tapos meron pang enkalti (Tama ba?) a la mode na minatamisang kamote at saging na may ice cream.

Special Snack

After kumain, nanood pa kami ng paggawa ng empanadang Iloko. Special daw sya kasi may special ingredient na, guess what? Longganisa!

Then balik kami sa event para sa awarding. Pagkatapos nun, hinainan kami ng meryenda nung mga napaka-hospitable, warm at generous na mga organizers. Hulaan nyo kung ano yung meryenda… May tama ka!

Empanadang may longganisa!

Nun ko lang na-realize na kahit pala ga’no mo kapaborito ang isang pagkain, darating at darating ka rin sa point na masa-saturate ka na at mauumay. Hindi ko naman sinasabing ayoko na sa longganisa. Gusto ko pa rin. Favorite ko pa rin sya. Pero after ng pinagdaanan ko sa Ilocos Norte, baka hindi muna ako kumain ng longganisa for a long time.

Magpapa-miss muna ako, parang asawang nag-OFW, ganyan.