Bieber Chervs

by Sankage Steno

Napagtanto ko lang at napagmuni-munihan kahapon yung mga pangyayari nung bata pa ‘ko na may malaking kinalaman sa kung ano ako ngayon. At isang matinding phase nung bata ako na hindi na ako proud sabihin ngayon (pero sasabihin ko pa rin dahil madaldal ako sa blog) ay yung pagkahumaling ko sa pop icons noon.

Nahihiya akong aminin na fan na fan ako ng NSync dati, at naaaliw ako kay Britney Spears more than kay Christina Aguilera. Sa katunayan, bumili pa ‘ko ng cassette tapes nila para lang malaman ko yung lyrics ng at mapakinggan yung kanta nila.

Bukod pa dyan, halos linggo-linggo akong pumupunta sa may palengke sa amin para lang bumili ng songhits na sila ang cover o kaya naman e andun yung kanta nila or may feature tungkol sa kanila. Hindi ko tuloy masisi yung mga patay na patay ngayon sa One Direction, kay Miley Cyrus, kay Katy Perry, kay Justin Bieber, etc.

Hiyang-hiya talaga ako sa sarili ko ngayon.

Pero ayaw pa ring magpaawat ng mga daliri ko sa kakapahiya sa akin. Eto pa, nung minsang bumili ako ng tape ng NSync at malamang walang lamang lyrics yung papel na kasama nung album, pinatugtog ko talaga sa stereo ko noon at tinutok yung tenga ko sa speaker para marinig nang malinaw yung lyrics habang sinusulat ko sa papel.

Ganun ako kadesperadong masabayan yung mga kanta nila.

Na nagbunga rin naman years after. Dahil sa pagkahumaling ko sa mga kanta noon (hanggang ngayon din naman), nagamit ko yung stock knowledge ko sa mga lyrics para manalo sa isang game show. O di ba? Di na masyadong nakakahiya ngayon yung past ko. May reason naman pala kung bakit ako dumaan sa phase na yun.

Sa ngayon, hindi na ako masyadong fan ng mga sikat na pop idols, although gusto ko yung ilang kanta nila na maganda yung lyrics at catchy yung tono. Mas gusto ko na ngayon ang OPM (Original Pilipino/Pinoy Music), particularly yung mga kanta o awitin ng mga sumusunod:

  • Up Dharma Down
  • Silent Sanctuary
  • Parokya ni Edgar
  • Bamboo
  • Sponge Cola

Medyo naa-appreciate ko na rin ang mga Sunday songs, a.k.a., old music. Isa na kaya ‘tong senyales na tumatanda na talaga ako?