S & K

by Sankage Steno

Isa o dalawa sa pinaka-weird na laman ng backpack ko (na nabili ko sa Sagada Weaving, yes I’m proud) e yung magkapares at di mapaghiwalay na sinulid at karayom.

Sobrang saver sya kasi ng buhay, tulad ngayon, although hindi naman ganun kagrabe ang sitwasyon na napasok ko. Nasa bahay lang naman ako pero napansin ko kasi na butas yung shorts ko. Isa pa naman ‘to sa pinakagusto kong sinusuot sa bahay. Kaya to the rescue na agad ang tandem na S & K.

Madre Ignacia

Hindi ako mahusay manahi, pero dahil nag-aral ako sa mga madre nung elementary at high school, natutunan ko ang stitching sa T.H.E. na pinasimulan yata ni Mother Ignacia (to be precise, Venerable Ignacia na sya ngayon. Isang kembot na lang at beatified na sya). Sa katunayan, pinatahi pa kami noon ng apron at shorts, using our bare hands and the sewing machine, respectively.

Nung high school naman, medyo nag-level up. Pinagawa kami ng cross-stitch kasi usung-uso sya noon. Ang weird lang kasi makikita mo lahat ng lalaki na nananahi at gumagawa ng cross-stitch na Mickey Mouse. So Funny. Pero, in fairness, ang laki ng naitulong nya sa ‘kin ngayon.

Pumasok ako sandali sa kwarto, naghubad ng salawal (Tagalog ng shorts) at kinuha ang S & K. Pinakapaborito kong part ang pagpapasok ng sinulid sa butas ng karayom. Dati kasi hirap na hirap akong gawin yun, lalo pa’t malabo ang mata ko. Pero ngayon, sisiw na lang sya. Wala pang 10 seconds, pasok sa banga na.

Virgin

Para sa mga first-timers talaga e mahirap magpasok. Pero once maipasok mo na, ang sarap sa feeling. As in! Kapag nasubukan mo, ang sarap ulit-ulitin. Pasok-labas, pasok-labas, pasok-labas! Ang sarap talaga sa pakiramdam.

Once naipasok mo na ang sinulid, time na para isara ang butas. At dahil medyo may kalakihan ang sira ng salawal ko, kinailangan kong doblehin ang pagtahi. Una, hemming stitches muna para magsara yung butas, tapos sinegundahan ko ng back stitch para mas tumibay.

Voila! My salawal is good as new! Parang walang nangyaring pagkasira. Ang sarap pa sa pakiramdam pagkatapos dahil itinuturing ko ‘tong isang malaking achievementation.

Sulit ang pananahi kasi hindi ko kinailangang bumili ng bagong salawal o damit, o kaya naman e magpatahi pa sa iba. Ang laki ng natipid ko. Saka may mga damit talaga akong sinusuot na kahit gano na kaluma, kahit pa mukhang basahan na, e gustung-gusto ko pa ring ginagamit. Kaya kapag natastas o nawarak, asahan mong tatahiin at tatahiin ko ‘yan.

http://www.armory.com/~images/getimg.cgi?i=rocketAccident%2F9&width=800