Abala Ka

by Sankage Steno

Nangangati ang mata ko sa t’wing nakikita ka.

Pag-iwas ng tingin, sa isip nama’y masid kita.

Hinahatak ang daliring sumulat ng anuman,

Gamit itong keyboard na titik at mugmog ang laman.

 .

Libangan lang kita. Libangan! Tatandaan mo ‘yan!

Surplus ka lang sa araw kong ang kilig ay minsanan.

Huwag mong asaming sa tuwina’y kakalingain,

‘Pagkat ang buhay ko ay di lang sa ‘yo nakahain.

 .

Daig mo pa ang multo sa tindi ng pangitain.

Araw-araw magparamdam o magpapansin sa ‘kin.

Oo na. Sige, fine! Mahalaga kung mahalaga.

Pero di mo ba halata? Malaki kang abala.

.

Ngunit sa mga bwiset, ikaw ang pinakaiba.

Hindi ko matiis na hindi pagbigyan kahit na

Mga mahalagang bagay ay napapabayaan.

E papa’no naman kasi, tayo’y nagmamahalan.

.