UP ay <3

by Sankage Steno

Bumalik ako sa UP. Sinasampal ng sinag ng araw ang mukha ko habang naglalakad sa gilid ng mga binungkal na lupa, na pagtataniman ng sunflowers para sa napipintong tag-init. Patay-sindi ang ilaw ng araw sa mukha ko dahil sa butas-butas na lilim na dulot ng punong acacia.

Bahagyang mahangin, subalit hindi kasinghangin ko kapag may maganda akong nagawa sa buhay. Parang nilalandi ng simoy ng hangin ang mukha ko, at pilit nitong pinapasok ang katawan kong natatakpan ng kulay bughaw na pantaas at kayumangging pantalon. Hindi ko masisisi ang hangin kung gusto niya akong pasukin.

Binagalan ko pa ang lakad. Di naman ako nagmamadali. At saka isa pa, natutuwa ako sa pangingiliti ng araw at hangin sa akin. Gustung-gusto ko ang malilikot nilang kalabit, pati na rin ang minsanang pagtatakip sa aking paningin. Nakakaatat. Sinasabayan pa ng makarinyosong twit-twit ng mga ibong sa UP ko lang naririnig.

Mag-isa lang ako kaninang umaga sa sinadya kong tapusin, ngunit dama ko ang panunuyo sa akin ng dati kong tirahan, noong ako’y nag-aaral pa lamang. Parang daliring nanunuksong lumapit ako lalo sa kanya, at ako naman ay isang biktimang kusang lumalapit dahil gusto ring makatikim.

Habang pinag-iinit ng pawis at silahis ang aking likuran, patuloy pa rin ako sa aking tungkulin. Ang kaibahan lang, may kakampi ako ngayong isang haliparot na, sa ganang akin, ay matayog ang lipad. Sa dami kasi ng gumamit sa kanya, karamihan ay nagsipagtagumpay sa kani-kaniyang karera.

At ang sarili kong karera ang siyang pinagtutuunan ko ngayon ng pansin. Hindi pa man ako hingal, nakikinita ko nang mapapagod ako sa patuloy na panliligaw sa akin ng dating lunan na pinagpapantasyahan bilang isang katipan — katipang walang maliw sa pagdalaw sa aking gunita, maging sa panaginip tuwing ako’y matutulog nang gising.

Ninais kong sumayaw kanina sa sarap ng pagtanggap sa akin ng lumang paaralan. Napigilan lang ako ng sariling kahihiyan dahil sa harap ng ibang tao pa man din ako magpapakalaya. Kahit karaniwan ang iba sa UP, hindi ko pa rin nais na ibunyag ang lahat, sa pag-iisip na may natitira pa rin naman akong hiya sa katawan.

Ngunit kapag dumating ang panahong nakalaya na rin sa tanikala ang taong matagal ko nang hinihintay, walang hiyang isasayaw ko ang aking sarili habang kakambal ang katawan niyang gumigiling at ginigiliw.