Scapular

by Sankage Steno

Matagal ko nang itinapon ang paniniwala ko sa scapular bilang isang mabisang pananggalang sa kapahamakan at isang anting-anting para mailigtas ang kaluluwa sa apoy ng impiyerno. Matagal na rin akong hindi nagsusuot nito, bilang paninindigan sa paniniwala kong hindi ko kailangan ng relihiyon para maging mabuting tao.

At lalong hindi ko kailangan ng langit at impiyerno para gumawa ng tama at itakwil ang balikong gawain.

At bakit na naman ba ako nanenermon e hindi naman ako madre? (Let’s be gender-sensitive, OK?)

E kasi ba naman, nagsusuot na ulit ako ng iskapulayo ngayon. Wait, let me explain. Hindi ibig sabihin nito e tinatalikuran ko na ang mga sinabi ko sa unang dalawang talata. Definitely not! May mas malalim na dahilan kung bakit ako napagsuot ulit nito. Ngayon pa lang, sinasabi ko na sa iyong walang kinalaman dito ang religion.

Na-corner kasi ako ng siguro e limang lalaki sa isang bus last week at nanakawan na naman. Syempre, pag-uwi sa amin, ikinuwento ko ang nangyari para naman alam nila at para na rin makapaglabas ako ng sama ng loob sa “trend” na ito sa ating bansa.

Dahil sa ikinwento ko, sinabi ng Mama ko na dapat kasi nagsusuot ako ng iskapularyo. Natawa ako, pero pinabayaan ko na lang. Ayokong makipagdebate tungkol sa religion sa mga kapamilya ko. Not in the morning, at least. Pwede siguro ‘pag gabi na, saka ‘pag may magandang pangyayari na pwede maikonek sa religion.

Matapos ang usapan, isinuot bigla sa akin ni Mama yung iskapularyo niya sa kwarto. Para naman akong demonyong nasunog sa krus na idinikit sa balat ko. Syempre, hindi totoo ‘yang sinabi ko. Ang tawag dyan e hyperbole, isang figure of speech na alam kong alam mo rin naman. Matalino tayo e. Apir!

Sabi ko sa kanya, huhubarin ko ‘yan pagluwas ko sa Maynila. Pero ngayong nakaluwas na ‘ko, suut-suot ko pa rin yung bigay ni Mamang iskapularyo. Ang tanong ngayon, bakit?

Simple lang ang sagot: love.

Take it literally. Hindi na ‘yan figure of speech. Suot ko pa rin ang scapular sa leeg ko ngayon dahil mahal ko ang Mama ko. Konek? Hindi ako naniniwala sa miracle ng scapular o sa bisa nito laban sa masasamang elemento, pero naniniwala ako sa love ni Mama sa ‘kin. And for her peace of mind, isusuot ko sya.

Isa pang dahilan ay para na rin bigyang-pugay ang mga babae sa buhay ko, namely, yung mga strong women in my family: yung lola ko at yung tatlong tita ko na mga nagsipagpalaki sa akin at sa aking mga kapatid. Kasama na rin dito yung lola at mga tita ko sa father side na hindi ko masyadong ka-close pero alam kong mahal din ako.

Ang corny ko ‘no? Akalain mong may ganito pala akong kakila-kilabot na kabaduyan sa katawan. At talagang nakuha ko pang i-blog sya dito for all the Tagalog/Filipino world to see. Nakakahiya. Buti na lang may kakapalan ang mukha ko.