Kaulayaw ang Ulan

by Sankage Steno

Brownout. Nasa tabi ako ng bintana at tinatanaw ang dalawang malaking puno ng akasya sa tapat ng bakuran namin. Umuugong ang hangin sa labas, at di ko marinig ang nagsasalita sa radyo dahil sa lakas ng tagaktak ng ulan sa aming bubong na yari sa yero.

Nawala na ang alimuom, pero amoy ko pa rin ang tubig-ulan na pumaparada sa kalsada sa labas. Kung alam mo ang amoy ng lupa kapag nababasa, alisin mo yung kasangsangan nito at malalaman mo ang amoy ng ulan. Parang amoy ng kawayan, pero di kasintapang.

May tumutugtog na musika sa utak ko. OPM. Kanta yata ni Ogie Alcasid o ng kung sino mang singer ng 80’s na hindi ko na maalala. Papasok din sa utak ko ang kanta ng mga sumikat na banda noong dekada 90, tulad ng Eraserheads at Rivermaya. May bibili sa tindahan ni Aling Nena, may aawit ng para sa kabataan, may magpapaikot ng elisi at may mababaliw sa ulan.

Alab ng puso

Gusto kong mabaliw kapag umuulan. Minsan gusto ko ring bumuhos ang ulan at aking mundo’y lunuring tuluyan. Tulad ng pag-agos kasi nito e di mapipigil ang puso kong nagliliyab. Ang weird no? Heto ako, basang-basa sa ulan, pero nagliliyab ang puso. Akala ko si Adele ang unang nag-set fire to the rain. Hindi pala.

Maamoy ko bigla ang champoradong niluluto ni nanay. Sa amoy pa lang, takam na takam na ‘ko, at parang nalalasahan ko na ang malagkit at manamis-namis na kaning pinalapot ng tsokolate. Tapos kapag pinatuluan pa ng gatas sa ibabaw, solb na solb na. Sabi nila masarap din daw ang tuyo bilang kapareha nito, pero di ko pa sya masyadong natitipuhan.

Parang imbisibol na kumot ang paghigop sa mainit na champorado. Gumuguhit sa lalamunan at pinapakalma ang sikmura. Kung sa tag-init ko siguro ‘toginawa, baka umakyat lang sa ulo ang temperatura ng kinain ko. May mga bagay talaga na mas OK kapag sa maulan na panahon ginagawa.

Wala pa ring tatalo

Pero wala pa ring tatalo sa malayang paliligo sa ulan. Marami kasi ang takot mabasa, iniiwasan ang ambon, o tinatakbuhan ang pagbuhos ng tubig. Ako hindi. Dinadama ko sa balat ko ang ulan. E ano kung magkasakit? Edi hindi papasok at magpapagaling. May gamot naman. 

Iba kasi ang sayang dulot ng paliligo sa ulan. May kaakibat na pangungulila sa nakaraan, sa pagkabata, habang sabay na nilalasap ang kasiyahan na dulot ng pagkakabasa. Minsan maliligo ulit ako sa ulan, at hindi ko ipapaalam sa ‘min. Mahirap na, baka pagbawalan bigla ng mga magulang na hindi makaget-over sa pagtanda ng anak nila.

Ayos lang din naman maligong mag-isa, pero hindi masama kung may kasama na makakaharutan. Umuulan pa rin sa labas. ‘Wag lang bumaha at dadamhin kita.