Hands down, Pinas pa rin

by Sankage Steno

Sumasakit pa ang ulo ko dahil sa jetlag. Kakalapag ko lang kasi from Hong Kong. Yes, jumejetlag e ang lapit lang? Feelingero masyado. Pero, seryoso, masakit sa ulo, pero dahil siguro sa biglang pagbabago ng temperatura (winter to summer in 2 hours) at sa kakulangan sa tulog.

Ang masasabi ko lang sa Hong Kong, puta, ang ganda nya. Sobrang linis at maunlad. Medyo turn off sa ‘kin ang winter season nila na patapos na naman, pero all in all, ibang level talaga ang prosperity ng lugar. Pero di ko na pipiliing bumalik dun if given another choice, unless libre. Balimbing much.

Base sa karanasan ko, mas dama ko ang Singapore kesa HK. At dahil parehong work-related ang pagpunta ko sa mga bansang yun (di naman kasi kaya ng sweldo kong mag-tour sa ibang bansa), hindi ko pareho nasulit ang paglilibot. Gayun pa man, masasabi kong ang laki ng agwat ng kaunlaran ng dalawang bansa na yun sa PIlipinas.

Pero kahit pa mas Pureza Station ang bansa natin, sobrang mas preferred ko pa rin dito sa ‘tin. Twice pa lang akong nalalabas ng bansa, pero habang nag-i-stay ako dun, lalo kong nami-miss ang Pilipinas. Mas napapamahal ako sa bansa natin kapag nakikita ko kung ga’no kaganda at kaunlad yung iba sa ‘tin.

Nakaka-tempt mag-work sa mga first world countries, pero I made a panata na gagamitin ko talaga ang talino at skills ko rito sa Pilipinas kahit pa hindi ko ito ikayaman, kahit pa mamatay akong mahirap. At hindi rin madali ‘tong panata ko. Bukod sa corny na sa panahon ngayon, hindi rin naman nakakaganda. Pero masaya ako.

Sa kultura at tradisyon nating mga Pilipino (isama pa ang mga tourist destination), mas napatunayan ko na ngayong it’s really more fun in the Philippines. Dati kasi Singapore lang ang basehan ko, so hindi ako makapag-conclude pa. Pero dahil dalawang bansa na napuntahan ko, pwede na ‘kong magbigay ng claim, albeit hindi pa pwedeng i-generalize.

Totoo namang maraming mandurukot sa ‘tin, marumi ang paligid, tuta ang karamihan sa mga dayuhan, mahirap ang kalahati ng populasyon at maraming nangingibang-bansa dahil di kayang suportahan ng ating gobyerno ang nakararami, pero once na maayos ‘tong lahat, patay na! Wala nang sinabi talaga ang ibang bansa sa ‘tin.

In 20 years, kung magpapatuloy ang pag-unlad natin at kung hindi matatabunan ang ating culture and arts dahil sa kaunlaran at kung di tayo makakalimot sa nakaraan, I’m sure matatapatan (o mahihigatan pa) natin ang Hong Kong o Singapore.

But this is just me talking. Sino ba naman ako para gumawa ng grand claim tulad nito? Isa lang naman akong Pilipinong nagmamahal sa Pilipinas.