10 Dahilan Kung Bakit Dapat Kang Maglakwatsa

by Sankage Steno

Marami akong nababasang English version nito kaya gagawa naman ako ng Filipino version para mas mahikayat ang mga kapwa ko Pilipino na libutin ang bansa, pati na rin ang buong mundo. Pero unahin nyo muna ang Pilipinas ha?

10. Hindi ka buhay forever. Ano gusto mo? Mag-aakyat ng bundok, lumusong sa ilalim ng dagat at mawala sa kagubatan kapag nakaratay ka na sa kama ng kamatayan? Kung ipipilit mo sa huling sandali ng buhay mo, napagod ka na, di ka pa nag-enjoy. Isang malaking gudlak!

9. Marami nang mura ngayon. Lahat ng airfare pababaan ang presyo, minsan piso lang o zero fare. Di na tulad ng dati na puro elitista lang ang nakakabiyahe sa eroplano at yung mahihirap e sa economy class ng barkong overloaded. Sulitin mo ang mga promo.

7. Marami kang matututunan. Hindi lahat nalalaman sa paaralan. Mas marami kang matututunan kung aalis ka sa comfort zone mo at maglilibot. Oo alam kong naituro sa Sibika at Kultura ang Bulkang Mayon, e nakita mo na ba sa personal? Walang sinabi ang mga larawan sa postcard at libro.

6. Mamamangha ka. Alam mo yung pakiramdam na parang inaagaw ang hininga mo dahil sa sobrang saya o sa sobrang pagkabilib sa isang bagay? Alam mo yung pakiramdam na tinatanong at sinasabihan mo ang sarili ng “May ganito pala sa Pinas?” Alam mo yun?

5. Lalawak ang pang-unawa mo. Kapag nakita at naranasan mo ang kultura ng ibang lugar o ibang mga tao, mas makikilala mo ang iyong lahi at maaaring mas matanggap mo ang iyong kinalakhang kultura. Maiintindihan mo rin kung bakit ganito o ganyan ang pag-uugali ng ibang tao o ng iyong mga kababayan.

4. Yayaman ang bansa. Syempre, gagastos ka pa rin kahit papano. Yung perang gagastusin mo e dadagdag sa ekonomiya natin at magbibigay sweldo sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa lugar na pinuntahan mo. Nag-enjoy ka na, nakatulong ka pa.

3. Nagbabago ang lahat. Yang Boracay, sure akong mas maganda pa noong di pa sya sikat. Kung maganda pa rin sya ngayon sa paningin mo, what more noong unang panahon? Pumunta ka na ngayon sa mga magagandang lugar sa ‘ting bansa bago pa masira o maiba ng nature o ng tao.

2. Nakakahiya kung hindi. Alam mo yung napapalibutan tayo ng tubig pero di ka sanay maglangoy? Nakakahiya at nakakapanghinayang kung sa dinami-rami ng pwedeng makita at mapuntahan sa Pilipinas at sa mundo e dyan ka lang sa Maynila o sa probinsya mo buong buhay mo.

1. Kaya mo. May paa ka. May mga sasakyan naman. May mga pagkakataon namang libreng bumiyahe. Marami namang pwedeng isama kung ayaw mong mag-isa. Malaya ka naman. Anong excuse mo? Trabaho? Pera? Pamilya? Alam mo kung gugustuhin mo, laging may paraan. Sus!