R.I.P. Raffy

by Sankage Steno

Nakakalungkot ang balitang dinatnan ko sa muling pagbabalik dito sa Sagada. Dinalaw ko ang isang kaibigan, at laking gulat ko nang ibalita sa aking pumanaw na pala siya tatlong buwan na ang nakalilipas.

Nae-excite pa man din akong bumalik sa kanyang tirahan, pero nang hinanap ko sya, wala akong nakita. Tinanong ko yung may-ari at nabakas ko naman kahit kaunti yung kalungkutan sa kanyang boses nang sabihin niyang namatay na ang alaga niyang aso na si Raffy.

Para sa mga hindi nakakakilala kay Raffy, sya yung six-year-old askal na kulay brown at parang may breed talaga. Ang laki nya at ang lusog, pero bukod dun, napakaamo niya. Nung una akong pumunta sa Sagada, napansin ko kaagad yung pagiging malapit nya sa tao, at nung bumalik naman ako sa pangalawang pagkakataon, nagulat ako nang nakasalubong ko sya sa may simbahan at nilapitan ako bigla.

Sa mga sumunod na pagdalaw ko sa Sagada, lagi ko na talagang hinahanap si Raffy. Pinakilala ko na rin sya sa mama ko, pati na rin sa dalawa kong kapatid. Ipinakilala ko rin sya sa buong mundo nang isulat ko sya sa magazine na pinagtatrabahuhan ko. Sabi ko pa sa article ko na one of the things that you should not miss in Sagada is to meet Raffy.

Pero no one can meet Raffy anymore. Wala na sya.

Alam kong aso lang sya at hindi naman akin, pero naging attached ako sa hayop na ‘to dahil sobrang gusto ko talagang magkaroon ng alagang aso. Bawal kasi sa bahay namin dahil sa hikain daw ako at baka masinghot ko yung balahibo ng aso o kahit ano pa mang mabalahibong hayop.

Dahil sa bawal ang fleecy pet sa amin, I really look forward sa pagpunta sa Sagada para makita ang mga naglalakihang mountain dogs, lalo na ang paborito kong si Raffy. Ngayon, nabawasan na yung mga ilu-look forward ko. Nakakalungkot lang talaga.

Kaya para sa nag-iisang kaibigan kong hayop na talagang nakilala ko, maraming salamat! Paalam, Raffy.