Bakit wala pa akong abs?

by Sankage Steno

Maraming nagtatanong sa ‘kin noon kung pa’no ko raw napapayat ang sarili. To give you a backgrounder, nung kabataan ko e nasa 38 inches ang aking bewang. So that’s it. Pero nung college, pumayat ako nang todo.

Ang sinasagot ko na lang sa mga nagtatanong sa ‘kin, para hindi na humaba pa ang usapan, e isa sa dalawang D: drugs or dedication.

Minsan sinasabi ko sa mga adik kong kaibigan na kaya ako pumayat e dahil sa drugs. Nag-aadik kasi ako kaya ganun. Minsan naman, sinasabi ko sa kanila na dahil sa dedication ko sa pag-aaral, na nakakalimutan ko nang kumain, kaya ako pumayat. 

Pero para sa iilang nagtanong at wala talaga ako sa mood sagutin, ngiti na lang.

Hindi ko pa rin sasabihin kung pa’no ako pumayat. Hindi rin naman ako sure sa kung ano talaga ang dahilan. Pero ang isang ipinagtataka ko e kung bakit kahit pa pumayat na ‘ko e hindi ko pa rin makuha yung abs na katulad nung kay Jake Cuenca o yung kay David Beckham.

Sabi ng isa kong kaibigan nung magkita-kita kami last week, bukod daw sa crunches e dapat daw sinasabayan ng matinding diet para magkaroon ng six-pack abs. Kahit daw mag-crunch ka nang mag-crunch, walang mangyayari. Oo, titigas yung kalamnan sa tiyan, pero kung hindi ka magpapapayat, matatabunan pa rin ng taba sa tiyan yung muscles sa ilalim.

Makes sense. And I think ito talaga ang pinakamahirap i-tone sa lahat ng muscle sa katawan. Pinakamadali naman  yung ano…

Tapos may nabasa pa ‘kong interview kay Pareng Jake dahil naging cover sya ng isang magazine ngayong March. Sabi nya, bukod daw sa pagji-gym araw-araw, iniiwasan din daw nyang kumain ng kahit anong rich in carbohydrates, pati na rin ng meat.

Ang tanong ko sa sarili ko ngayon, ano pa kaya ang kinakain nya?

Hindi ko yata kayang umiwas sa carbs at meat. Kumakain ako ng vegetables pero dapat may kahalong karne o kanin. Napakahirap namang magkaroon ng mala-pandesal na tiyan. Matitiis ko pang hindi mag-blog pero ang hindi kumain ng meat at carbs? No way! Sa inyo na lang yang abs nyo! Leche!

Image