Hindi ako mahirap

by Sankage Steno

Mahirap ka ba? Poor? Destitute? Dugyot? Lumpin? Hindi mo naman kailangang sagutin. Nagpapapansin lang ako. Kasi turo sa ‘kin nung bata na dapat daw catchy ang intro ng sinusulat mo, at isa raw mabisang paraan ang paggamit ng tanong. Wala lang.

Sabi sa editorial ng Inquirer ngayon, mahirap ka raw kung ang kita mo lang sa isang taon e P16,800 (o P1,400 kada buwan o P47 kada araw). Isa lang ang ibig sabihin nito para sa ‘kin: Hindi ako considered as mahirap.

Pero hindi ako natutuwa. Bakit? Kasi 1/4 ng population ng Pilipinas o halos 25 milyong Pilipino ay mahirap. Ibig sabihin, nabubuhay sila araw-araw sa halagang isang dolyar or less pa. Pero let’s put a little bit of context here ha, bago pa maghuramentado yung iba dyan, lalo na yung mga maraming alam sa buhay.

Money-poor but…

Sabi ni Mayor Coro II ng Del Carmen sa Siargao Island, karamihan daw ng nakatira sa kanila ay mahihirap. Pero agad din niyang nilinaw na sila ay money-poor but not dirt-poor kasi nakukuha naman nila ang kanilang pangangailangan sa pang-araw-araw.

May tahanan sila kahit hindi mansyon, may pagkain kahit hindi pampiyesta ang dami at may damit kahit hindi high fashion. Yung kulang nila sa pera e nakukuha nila sa kapaligiran nila. Hindi nila kailangang bumili ng pagkain kasi may tanim sila o may alagang hayop. Di nila kailangang gumawa ng malaking bahay kasi di angkop sa lugar nila, at yung panggawa nila ng bahay ay nakukuha lang din sa kapaligiran nila.

I’m sure maganda rin yung lugar nila, parang paraiso. Siargao e. So hindi nga sila mahirap. Kulang sa salapi, pero definitely not poor.

Pero nakakagulat yung data na 40 families lang ang may dulot sa 76% na paglago ng gross domestic product ng Pilipinas. Ibig sabihin, kaunti lang ang nakikinabang sa pag-unlad ng bansa. Yung mayayaman ay lalong yumayaman, samantalang ang mga middle class at mahihirap ay nananatili sa pagiging middle class o mahirap.

Wealth for all

Normal daw ito sa mga developing countries tulad ng Pilipinas. At malaki ang kailangang trabahuhin ng pamahalaan, lalo na ng mga mayayaman sa bansa, para maipamahagi ang pag-unlad sa mas nakararami.

Dapat madama rin ng mahihirap na umuunlad na nga tayo, hindi yung puro sina Sy, Tan, Pangilinan, Razon, etc., lang ang lalong yumayaman. Napaka-unfair nun.

Sino bang may ayaw yumaman? Well, ako. Ayokong yumaman, pero gusto kong umunlad. Di ko naman pangarap maging tycoon, basta sakto lang at di nagagahol sa pera. Ang pangarap ko e yumaman ang Pilipinas, yung wala nang mahirap at pantay-pantay ang distribution ng yaman ng bansa.

‘Pag nangyari yun, magiging high fashion na lahat ng Pilipino. Naka-heels o nakabarong o nakaterno habang nagkakamay at kumakain ng danggit. Panalo!