Patawad, mga baboy!

by Sankage Steno

Nakasakay ako sa bus papuntang Ayala Avenue kaninang umaga. Nang binabagtas na namin ang tulay ng Guadalupe, pinagmasdan ko ang tubig sa Ilog Pasig, habang iniisip kung ga’no sya kaganda noon. Bigla-bigla, sa tabi ng covered court sa gilid ng ilog, e dumukwang ang isang lalaki sa pader at nagtapon ng bote ng inumin.

Para talagang umakyat yung dugo sa likod ng ulo ko. Tahimik lang pero naiinis na nagagalit ako sa nakita. E ang layo ko naman sa mamang yun kaya hindi ko masabihan, ni hindi ko rin makuha yung tinapon nya sa ilog para ilagay sa tamang tapunan.

Naiinis din ako sa mga taong kung sa’n-sa’n na lang dumudura, lalo na ‘pag may kasamang plema o kalagara. Marami nyan sa mga foot bridge at sa mga sidewalks. Kumukulo rin ang dugo ko ‘pag may mga nakikita akong nagtatapon sa labas ng bintana ng kanilang sinasakyan.

Ano bang problema nyong mga Pilipino kayo?

Ang linis-linis nyo sa katawan, araw-araw kung maligo, minsan dalawang beses pa a day, pero napakasalaula nyo sa inyong paligid. Ganyan ba kayo kababoy (Pasensya na sa mga baboy.) sa loob ng bahay nyo? Kung oo, ‘wag nyong dalin sa labas, sarilinin nyo na lang. Kung hindi, e bakit kayo ganyan? Labo.

Anak ng Pasig naman kayo!

Well, sinisisi ko ang sarili ko kasi minsan nahihiya talaga akong batasin yung mga taong salaula na ‘yan e, lalo na ‘pag mukhang hoodlum, although ginagawa ko namang pagsabihan madalas yung mga ka-close ko, like friends or family. Pero nahihirapan talaga akong gawin sa ibang tao.

Minsan ang ginagawa ko, kapag may nagtapong stranger at nakita ko, pupulutin ko yung tinapon nya at saka ibubulsa o ilalagay sa tamang basurahan. E kaso nakakahiyang mamulot ng basura ng iba. Saka ayokong isipin ng ibang tao na nagmamaganda ako. Excuse me! Hindi ko ginagawa yun to prove anything. Ginagawa ko yun kasi yun ang mahirap gawin.

Kaya kung pwede lang ha, umayos kayong mga salaula kayo! Kung ayaw nyong magtapon ng kalat nyo, ‘wag kayong magkalat! Kung hindi kayo concerned sa inyong paligid, isipin nyo yung mga taong tulad ko na naha-high blood kapag nakakakita ng kababuyan ninyong mga baboy kayo! (Paumanhin muli sa mga baboy.)

Advertisements