Manggang Hilaw

by Sankage Steno

Minsan lang sa isang taon

sa akin kung magparamdam.

Tatlong buwang paroroon,

Siyam na buwang paalam.

.

Mintis sa sandaang araw

ang bihirang pagtatagpo.

Sabik na makaulayaw,

mapagbigyan yaring luho.

.

Akin kang pagnanasahan

‘pag natanaw sa malayo.

Ililipad sa isipan,

tayo ay magkalaguyo.

.

Kukunin ka’t aangkinin,

bubusugin sa pagtitig.

Aamuyi’t kakagatin,

sarap ng asim sa bibig.